Sakabila ng paglutang ng mistulang pagmamatigasan at pangugunyapit sa Speakership, hindi ako naniniwala na sina Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco ay lalabag sa napagkasunduan nilang term-sharing sa naturang pinakamataas na posisyon sa Kamara o House of Representatives. Nangangahulugan na ang dalawang mambabatas na kapuwa mga abugado at kagalang-galang ay inaasahan kong magpapahalaga sa tinatawag na kasunduang barako, wika nga.
Totoo na ang naturang kasunduan ay tila masisira nang nanindigan ang ilang Kongresista na marapat nang ipagpatuloy ni Cayetano ang kanyang pagka-Speaker sa 18th Congress dahil sa sinasabing maayos na pamamahala nito; na ang Kamara ay nagtamo ng mataas na approval ratings sa survey ng Social Weather Station (SWS) bunga ng katanggap-tanggap na sistema sa pagtalakay ng mga panukalang-batas, lalo na ang mga priority legislations ng administration.
Sa term-sharing agreement, si Cayetano ay manunungkulan bilang Speaker sa loob ng 15 buwan samantalang ang natitirang 21 buwan ay ipagpapatuloy ni Velasco.
Subalit si Pangulong Duterte ang mismong nagpahiwatig na kailangang igalang ng dalawang mambabatas ang kanilang napag-usapan. Sina Cayetano at Velasco ay parehong kaalyado ng Pangulo. Hindi ba maituturing na kawalan ng paggalang sa Pangulo at pagtataksil sa usapan ang pagbalewala sa kasunduan? Kung sabagay, ang mga pangako ay ginagawa upang sirain. Sabi nga ng mga Kano: Promises are made to be broken.
Kahit minsan ay hindi ko nakadaupang-palad man lamang ang nabanggit na mga mambabatas bagamat nasubaybayan ko ang kanilang mga panunungkulan. Subalit gusto kong maniwala na sila ay kapuwa nagmula sa iginagalang na mga angkan; na ang mga magulang ay humawak ng matataas na posisyon sa gobyerno. Ang ama ni Cayetano na si Senador Rene Cayetano, halimbawa, ay napatunayan kong laging naninindigan sa kanyang mga salita. Matagal-tagal ko rin naman siyang nakasama sa Gabinete ni Presidente Fidel V. Ramos nang siya ang Presidential legal adviser.
Anupa’t sina Cayetano at Velasco lamang ang makapagpapasiya sa kapalaran ng kanilang kasunduan. Dahil dito, hintayin na lamang natin kung may magaganap na pagpaparaya sa usapang barako o gentleman’s agreeement.
-Celo Lagmay