GAGANAPIN ang taunang NCAA All-Star Game sa Martes (Nov. 26) sa MOA Arena sa Pasay.
Sa ikatlong sunod na taon, muling hahatiin ang mga NCAA schools sa grupo ng Saints na kinabibilangan ng San Beda, Letran, Saint Benilde, San Sebastian t Perpetual Help at ng Heroes na binubuo naman ng Arellano, EAC, JRU, Lyceum at Mapua.
Sa pagkakataong ito, makakasama at maglalaro para sa kani-kanilang mga eskuwelahan ang mga itinuturing nilang mga legends.
Kabilang sa mga maglalarong mga legends sina Jio Jalalon (Arellano), Rey Nambatac (Letran), Michael Calisaan (San Sebastian), Yousef Taha (Mapua), Paolo Taha (Benilde), Sidney Onwubere (EAC), Philip Paniamogan (JRU), Ryusei Koga (San Beda), Justin Alano (Perpetual), at Kevin Lacap (Lyceum).
Kabilang sa mga bumubuo sa koponan ng Saints sina Jerrick Balanza at Bonbon Batiller ng Season 95 champion Letran Knights, Justin Gutang at Edward Dixon ng Saint Benilde;Clint Doliguez at AC Soberano ng San Beda; RK Ilagan at Alvin Capobres ng San Sebastian at sina Edgar Charcos at Ben Adamos ng Perpetual.
Ang mga lalaro naman para sa Heroes ay sina Lyceum twin Jaycee at Jayvee Marcelino; Kent Salado at Justin Arana ng Arellano; Jethro Mendoza at JP Maguliano ng EAC; Laurenz Victoria at Justin Bunag ng Mapua at Ry Dela Rosa at Agem Miranda ng Jose Rizal University.
Bukod dito, sa unang pagkakataon ay magdaraos din ang liga ng unang women’s volleyball all-star game ganap na 2:00 ng hapon.
At gaya sa basketball, ang mga teams na hinati din sa grupo ng Heroes at Saints ay may inimbita ring mga school legends upang maglaro sa kanilang koponan.
Ang mga nasabing legends ay sina Jovy Prado (Arellano), Grethcel Soltones (San Sebastian), Ces Molina (San Beda), Shola Alvarez (JRU), Rachel Austero (Benilde), Cindy Imbo (Perpetual), Arianne Agustia (EAC), Cherilyn Sindayen (Lyceum), Miracle Mendoza (Letran) at Kat Racelis (Mapua).
-Marivic Awitan