Sugatan ang 11 estudyante matapos sumabog ang isang portable butane stove habang nagdiriwang ng kaarawan ng isa sa kanila sa loob ng isang kainan sa Dagupan City, Pangasinan.
Ayon sa imbetigasyon ng pulisya, nagpunta ang mga estudyante sa isang kainan sa Barangay Karanglaan matapos ang kanilang klase upang ipagdiwang ang kaarawan ng isa sa kanilang kasama.
Habang kumakanta umano ang grupo para sa birthday celebrant, biglang sumabog ang portable butane stove sa kanilang lamesa.
Pinaniniwalaang dulot ito ng gas overpressure na nagresulta sa paglikha ng fireball na tumama sa mga biktima.
Ayon kay Police Captain Eric Dela Cruz, commander ng Dagupan City Police Station 2, kinakantahan ng mga estudyante ang kanilang kaibigan nang maganap ang insidente.
Nagtamo ng mga paso ang mga biktima at agad silang dinala sa ospital. Sa kabuuan, walo sa kanila ang nananatiling naka-confine habang dalawa sa mga ito ang nagtamo ng matinding pinsala at kinakailangang operahan, ayon pa sa pulisya.
Samantala, sinabi ng empleyado ng kainan na si Romel Tumbaga na biglaan ang pagsabog at nakita na lamang niyang nagtakbuhan ang mga tao sa loob ng establisimyento.
Ayon pa sa kaniya, ngayon lamang nangyari ang ganitong insidente sa kanilang kainan at regular umano nilang tinitiyak ang maayos na kondisyon ng kanilang mga gamit sa pamamagitan ng paglilinis at pagsusuri.
Dagdag ni Dela Cruz, nagsagawa na rin ng paunang pag-uusap ang pamunuan ng kainan at ang pamilya ng mga nasugatang estudyante kaugnay ng insidente. Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad.