Ibinahagi ni Sen. Risa Hontiveros ang pinakakinagagalitan at pinakakatakutan niyang makita sa kasalukuyang sitwasyong nangyayari sa Pilipinas.
Sa latest episode ng “KC After Hours” nitong Sabado, Marso 14, sinabi ni Sen. Risa na nagrerebolusyon umano ang kaniyang sikmura sa usapin ng karahasan at ang pangmamaliit dito.
“Kapag ‘yong usapin ay ‘yong extrajudicial killings (EJK) and then mini-minimize or pinagtatawanan, or jina-justify, dinedepensahan. For me, bangunot ‘yon,” saad ni Sen. Risa.
Dagdag pa niya, “Anong klaseng mga tao magiging tayo? Anong klaseng bansa ‘pag ito na ‘yong ugali natin about this kind of violence, mass murder.”
Kaya naman interesante umano para kay Sen. Risa ang isang artikulong nagsasabi na kinakailangan umano ng mga Pilipino ng “dedutertefication.”
Aniya, “Bagong noun dahil lang sa teribleng kasaysayang pinagdaanan natin.”
Matatandaang ipinanukala ng senadora noong Oktubre 2024 ang pagpapaimbestiga ng Senado sa war on drugs sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Maki-Balita: Hontiveros, ipapanukalang imbestigahan ng buong senado ang 'War on Drugs' ni Ex-Pres. Duterte
Sa kasalukuyan, isang taon nang nakakulong si Duterte sa detention centre ng International Criminal Court (ICC) na matatagpuan sa Scheveningen, The Hague, Netherlands.