HINDI mapasusubalian na ang walang-puknat na operasyon sa pagpuksa ng illegal drugs sa iba’t ibang sulok ng kapuluan ay naghudyat ng pagsilang ng inaasam nating illegal drug-free communities. Nangangahulugan na mababawasan kundi man ganap na malilipol ang mga users, pushers at drug lords na namumugad sa 92 porsyento ng mga barangay sa ating bansa.
Magugunita na sa pagsisimula pa lamang ng Duterte administration, sinasabi na ang lahat halos ng ting mga barangay ay talamak sa ipinagbabawal na droga. Maliwanag na ito ang dahilan ng paglulunsad nito ng walang-humpay na Operation Tokhang at iba pang kampanya, sa pamamagitan ng Philippne National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency ( PDEA), sa pagsugpo sa mga salot ng lipunan. Kaakibat ito ng panawagan ng gobyerno, sa pamamagitan naman ng Department of Interior and Local Government (DILG), sa iba’t ibang sektor upang makipagtulungan sa paglipol ng illegal drugs.
Ang Malabon City, halimbawa, na pinamumunuan ni Mayor Antolin Oreta III, ay kagyat na tumugon sa nasabing panawagan. Bunga nito, kinilala ng DILG bilang isa sa may pinakamahusay na Anti-Drug Abuse Council sa Metro Manila sa taong ito. Sa Function at Audit ng naturang kagawaran, kinilala rin ang siyudad bilang isa sa mga nangunguna sa mga may pinaka aktibo at tuluy-tuloy na anti-drug campaign sa rehiyon. Ang makabuluhang mga detalye na ito ang laging binibigyang-diin ni Bong Padua, isang kapatid sa pamamahayag na ngayon ay Public Information Officer (PIO) at spokesman ng Alkalde.
Nakalulugod mabatid na ang nasabing lungsod na naging bahagi ng aking buhay ay naitala bilang isa sa mga may pinakamaraming barangay-cleared sa National Capital Region (NCR). Ayon ito sa Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD) na pinamumunuan ni Director General Aaron Aquino ng PDEA bilang Chairman. Katuwang niya rito si Vice President Leni Robredo bilang co-chairman, na hindi pa natatagalang itinalaga ng Pangulo sa nabanggit na puwesto. Dapat lamang asahan ang pagpapaigting ng tambalang ito sa kanilang pagsisikap sa kampanya laban sa droga.
Ang gayong pagsisikap ang nauna nang naibunsod ni Mayor Ureta nang kanyang palakasin ang anti-illegal drugs advocate sa pamamagitan ng pagbuo ng City of Malabon Anti-Drug Abuse Office (CMADAO) nito sa pamamahala ni Executive Director Vrix John Sarmiento upang matutukan at mapalawak pa ang inisyatiba sa paglutas ng drug addiction. Kaakibat ito ng paglulunsad ng tuluy-tuloy na drug prevention, education and awareness campaign sa mga paaralan at mga komunidad sa siyudad.
Ang gayong mga hakbangin ay natitiyak kong hindi lamang sa Malabon City masasaksihan kundi sa iba pang LGUs na may matindi ring hangarin na maging drug-cleared ang kani-kanilang mga nasasakupan. Naniniwala ako na ang naturang mga komunidad -- kabilang na ang mga namumuno sa mga ito -- ay magiging bahagi ng adhikain at pagsisikap ng administrasyon upang ang Pilipinas ay maging isang illegal drug-free country sa panig na ito ng daigdig.
-Celo Lagmay