BAGAMAT paramdam pa lamang, ang planong libreng pagpapagamot ng ating mga mata at pagpapababa ng presyo ng mga gamot sa diabetes at sakit sa puso ay maituturing na namang mga hulog ng langit, wika nga -- tulad ng lagi nating ipinahihiwatig kapag may biyaya na inihuhulog ang ating pamahalaan. May paniniyak ang tinig ni Secretary Francisco Duque III ng Department of Health (DOH) nang kanyang ihayag na ang pondo para sa free eye treatment ay manggagaling sa Universal Health Care Law (UHCL) funds na hindi pa natatagalang naisasabatas.
Kung maisasakatuparang ang naturang mga balak, natitiyak ko na ito ay makatutulong nang malaki sa ating mga kababayang madalas dalawin at halos ayaw nang iwanan ng iba’t ibang karamdaman. Hindi biro ang gastos sa pagpapagamot ng mga mata, tulad ng operasyon ng glaucoma at pagpapaalis ng katarata, bukod pa rito ang gastos sa pagkonsulta sa mga doktor. Kaakibat ito ng paglaan ng malaki ring halaga sa pagbili ng mga gamot at eye drops na pawang mga lifetime medicine.
Ang glaucoma, kailanman, ay hindi dapat ipagwalang-bahala, ito, ayon na rin sa mga manggagamot, ay isang sakit ng mata na hindi malayong mauwi sa ganap na pagkabulag. Gayundin naman ang katarata na marapat namang alisin upang luminaw-linaw naman kahit paano ang paningin ng mga pasyenteng nagtataglay nito. Dangan nga lamang at halos mapabayaan ng ilang pasyente ang pagpapagamot, lalo na ang mga maralita na hindi malaman kung saang kamay ng Diyos, wika nga, kukunin ang kanilang mga pangangailangan.
Nakalulungkot na ang sana ay hindi gaanong magastos na pagpapagamot ng mata ay nabahiran ng mga alingasngas na kinasasangkutan naman ng ilang eye center. Mabuti na lamang at ito ay kaagad natuklasan at tila pinapanagot ang mga kasabwat sa anomalya.
Ang pagpapababa naman ng presyo ng mga gamot sa diabetes at heart ailment ay tiyak na ikagagalak din ng mga nagtataglay ng gayong karamdaman. Kung tama ang aking pagkakadinig, hihilingin ni Senador Bong Go kay Pangulong Duterte na magpalabas ng isang Executive Order na magtatadhana ng pagbabawas ng halaga ng naturang mga gamot.
Naniniwala ako na iyon ay magagawa ng Pangulo, lalo na kung isasaalang-alang na ang gayon ay nagawa niya nang ipatupad ang Freedom of Information (FOI) sa pamamagitan ng isang EO; ang naturang utos, kung sabagay ay umiiral lamang sa Executive Department.
Gusto kong maniwala na pakikinggan ng Pangulo ang lambing, wika nga, ni Senador Bong Go; lalo na nga kung iisipin na ang pagsusog sa Cheaper Medicine Law ay tila pinatatawing-tawing pa ng mga mambabatas na ang ilan ay hindi nakararamdam ng pagmamalasakit sa mga may karamdaman.
Sana, ang naturang mga hulog ng langit ay tuluyan nang ihulog ng kinauukulang mga lingkod ng bayan.
-Celo Lagmay