NAKABIBINGI ang mga hiyawan at palakpakan ng mga dumalo sa Celebrity screening ng digital series na Bagman Season 2 sa Santolan Town Plaza nitong Martes nang gabi, as expected ang ganda ng istorya tungkol sa mga nangyayari sa pinamumunuang bayan ni Arjo Atayde bilang si Governor Benjo Malaya.

ARJO N CARLO

Tulad sa unang season ng digital series ay gusto lang naman ni Benjo na umasenso para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya niya pero kinomisyon siya bilang Bagman at naipit sa mga sitwasyong hindi niya gusto at dito nagsimula ang kanyang kuwento bilang bagong gobernador ng bayan ng Magdiwang.

Sa ikalawang season ng ng Bagman ay gusto na niyang linisin ang bayang pinamumunuan niya bilang bagong upong gobernador pero may mga mas nakatataas sa kanya na nag-uutos na pagkakitaan ang bayang nasasakupan kaya ito ang malaking kinakaharap ni Benjo.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Si Carlo Aquino ang Hitman na inutusang patayin si Benjo, pero hindi nito napuruhan ang gobernador kaya buhay at sila ang maghaharap sa buong Season 2.

Sa unang pagkikita nina Benjo at Eman ay nangungulit na magpa-picture ang huli dahil idolo niya ang gobernador ng bayan nila, pinagbigyan naman siya pero iba ang nasa isip ng una, “’tang-ina ano ang plano mo?”

At sa ikalawang pagkikita ay sinunggaban na ni Benjo si Eman dahil nalaman niyang siya ang hired killer na gustong pumatay sa kanya.

Napaka-natural ng atake ni Arjo sa bawa’t eksena at hindi niya kailangang umarte na dahil mata palang niya ay nangungusap na. Gayun din si Carlo na unang beses gumanap bilang hitman at marungis, ang husay talaga.

Ang saya-saya ng buong cast ng Bagman 2 sa mga papuring naririnig nila sa mga nakapanood dahil lahat ay magagaling, walang tapon bawal yata ang hindi marunong umarte sa series na ito, pati mga talent ang huhusay.

Bukod kina Arjo at Carlo ay kasama rin sina Romnick Sarmenta, Irma Adlawan, Rez Cortez, Joel Saracho, Lito Pimentel, Mon Confiado, Rollie Inocencio, Menggie Cobarrubias, Chanel Latorre, at Rosanna Roces.

Samantala, dinagsa naman ng supporters na ArMaine Lovers ang screening at isa sila sa bumati sa aktor at binigyan pa ng birthday cake dahil kakatapos lang ng kaarawan ni Arjo nitong Nobyembre 5.

Ang Bagman 2 ay mula sa direksyon ni Shugo Praico at produced ng Rein Entertainment at Dreamscape Digital para sa iWant na nagsimulang mapanood kahapon ng tanghali.

-Reggee Bonoan