SINIGURO ng Philippine Sports Commission (PSC) na makukuha ang lahat ng kakailanganing kagamitan para sa lahat ng sports sa nalalapit na hosting ng bansa ng 30th Southeast Asian Games sa takdang oras.

Ayon kay PSC chairman William “Butch” Ramirez, paspas ang trabaho ng SEAG Task Force buhat sa Philippine Olympic Committee (POC), Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) at PSC para makuha ang kinakailangang kagamitin ng ng mga atleta na sasabak sa biennial meet.

Una nang pinulong ng nasabing kumite ang mga opisyal ng mga NSAs ng billiards, ice skating, dancesport, shooting at windsurfing noong nakaraang Miyerkules upang talakayin ang pagkuha ng ng mga kagamitan kabilang na ang mga supplier, pagtukoy at pagsunod sa kani-kanilang mga international federation.

Kasalukuyan nang nakatanggap ng kanilang mga kagamitan ang 11 NSAs sa 57 na lalahok sa nasabing kompetisyon ngayong Nobyembre, habang ang natitirang sports associations ay kasalukuyang pinoproseso.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Gayunman, siniguro pa rin ni Ramirez na aabot sa takdang oras ang pagkakaloob ng mga kagamitan, sa loob ng nalalabing dalawang buwan bago ang main event.

“We’re looking at having everything delivered in our warehouse by November 15,” ayon kay Ramirez.

“The cooperation among the PSC, POC and PHISGOC is very solid and they are doing a good job screening all the equipment requirements and other requests of the NSAs. The SEA Games task force had gone full blast. We expect everything to be done by next week,” dagdag pa rin ng Chefde Mission ng Team Philippines.

Kabilang sa mga kagamitan na kailangan na may kamahalan na kailangan bilhin ay ang mga kagamitan para sa shooting, rowing, athletics, weightlifting, wrestling at gymnastics.

Ang shooting equipments na nagkakahalaga ng P73.9 milyon na binubuo ng mga baril at bala at ang pagpapagawa ng competition at practice range sa Subic pati na ang sa Philippine Marines headquarters na matatagpuan sa Taguig City.

Ang rowing equipments naman ay nagkakahalaga ng P58.5 milyon, ang athletics na may halagang P43.1 milyon, ang weightlifting na nasa P35 milyon, ang wrestling na nasa halagang P33.3 milyong at ang gymnastics sa halagang P33.1 milyon.

Kabilang naman sa mga hindi gaanong mahal na kagamitan ay ang surfing sa P549,000, squash na may halagang P535,000, netball sa P1 milyon, taekwondo sa P2.2 milyon, chess na may halagang P2.3 milyon, jiu-jitsu sa P2.3 milyon at ang triathlon na nasa P3.9 milyon.

Kabuuang halaga ng P6.5 bilyon ang inilaan ng gobyerno para sa preparasyon ng nasabing hosting ng biennial meet kung saan kalahati dito ay gagamitin upang bilhin ang mga kagamitan na kakailanganin ng 57 sports na lalahok sa 11-nation meet.

Siniguro rin ni Ramirez, na sa kabila ng paspasang pagkuha ng mga kagamitan, masusunod pa rin ang ang tinatawag na government accounting rules ng Commission on Audit (COA) at Department of Budget and Management (DBM).

“The PSC, COA and DBM are still on top of all these procurements,” ayon sa PSC chief. “The President gave me a marching order of making sure that the staging of the SEA games will be successful. I’m taking that order seriously so I’m making sure that everything is being done aboveboard and in compliance to government accounting rules and regulations,” aniya.

Si Ramirez din ang naging CDM noong sa huling hosting ng bansa noong 2005 SEA Games, kung saan nagwagi ng overall championship ang Pilipinas.

-Annie Abad