Tila napa-instant throwback ang ilang netizens sa isa sa mga naging reward ng kauna-unahang Olympic gold medalist ng Pilipinas na si Hidilyn Diaz.
Kasunod kasi ng nakaambang paghapit ng sipa ng presyo ng produktong petrolyo ay ang tila pagka-sana all naman ng ilan sa lifetime free fuel na iginawad noong 2021 para kay Hidilyn.
Matatandaang bilang unang Pinoy na sumungkit ng gold medal sa Olympics sa isports na weightlifting, ay ang pag-ulan ng mga parangal para kay Hidilyn mula sa gobyerno at pribadong sektor.
Noong Hulyo 2021 nang igawad ng Phoenix Petroleum kay Hidilyn ang lifetime free fuel. Maliban sa libreng gasolina, ay nakatanggap din siya ng tinatayang ₱5 milyon.
Samantala, nitong Lunes, Marso 9, isang araw bago ang napipintong paghagupit ng presyo ng produktong petrolyo at kasabay naman ng mga ulat sa nagkakaubusang mga gasoline station, tila hindi tuloy maiwasan ng ilan na mainggit sa lifetime free fuel ni Hidilyn.
“Hidilyn my friend, pa-full tank ka naman!”
“Sana paambon ng gasolina, sinoportahan naman kita hahaha”
“Hidilyn baka pwedeng magpa-refill sayo HAHAHA”
“Sana pala nagbuhat na lang din ako noon.”
“Literal na sana oil!”
“Hidilyn kahit half tank lang, baka naman hahaha”
“Himbing siguro ng tulog n’ya ngayon”
“Dapat pala noon palang nagbuhat na rin ako hahahaha”
“Proud kami sa’yo noon, pwede pa re-fill?”
“Sana all na lang”
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na pahayag si Hidilyn patungkol dito.