PINATAOB ng PLDT ang Philippine Coast Guard, 25-4, 25-22, 25-21, upang makamit ang huling quarterfinals berth sa Group C ng 2019 Spikers’ Turf Open Conference sa Paco Arena noong Martes.
Pinangunahan ni Paolo Pablico ang nasabing panalo ng Power Hitters sa ipinoste nyang 11 puntos kasunod si Mark Alfafara na may 8 puntos.
“Actually hindi ito yung [laro nila] e, survival lang. Kasi kung natalo kami dito out kami e, tapos before the game yung huddle namin ang sabi ko lang let’s take the game one point at a time, one set at a time hanggang sa umabot kami sa goal talaga namin,” pahayag ni PLDT head coach Odjie Mamon.
Makakasagupa ng Power Hitters sa quarterfinals ang reigning Open Conference champion Go for Gold-Air Force.
Nanguna naman si Esmail Kasim na tumapos ding may 11 puntos para sa Coast Guard na bumaba sa markang 1-3.
Sa isa pang laro, nakaungos naman ang Sta. Elena kontra Philippine Navy sa loob ng limang sets, 25-23, 14-25, 20-25, 25-21, 15-12, upang makopo ang top spot sa Group D.
Nagsipagtala sina Edward Camposano at Nico Almendras ng tig- 22 puntos upang pamunuan ang 5-0 sweep ng Ball Hammers sa eliminations.
Taglay ang bentaheng twice-to-beat, haharapin ng Sta.Elena ang IEM sa quarterfinals.
Nanguna naman si Joeven Dela Vega na may 19 puntos at ang kanilang team captain na si Greg Dolor na may 11 puntos para sa Navy na tinapos ang elimination round sa kartadang 4-1.
Makakatunggali ng Sea Lions ang Group C top-seed Perpetual Altas sa quarterfinals.
-Marivic Awitan