MAKUMPLETO kaya ng Marinerong Pilipino ang kabuuang sweep ng conference hanggang finals o makatagpo na sila ng katapat sa katunggaling BRT Sumisip Basilan-St.Clare?

Isa lamang ang katanungang ito sa bibigyang tugon sa pagtutuos ng dalawang koponan ngayong hapon sa simula ng 2019 PBA D League Foundation Cup Finals.

Ganap na 3:30 ng hapon ang umpisa ng Game 1 ng best of 3 finals series sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Umusad ang Skippers sa finals na wala ni isang talo mula noong eliminations kumpara sa Saints na muntik pang nasilat ng Centro Escolar University Scorpions sa semifinals.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Sa kabila nito,bagamat sinasabing sila ang paborito sanhi ng kanilang undefeated record, naniniwala ang Skippers na patas lamang ang tsansa nila ng Saints.

“This is our first finals appearance,” ani Marinero assistant coach Jonathan Banal. “So we have to play our A-game dahil malakas din ang kalaban kasi mix din sila ng mga young at veteran players.”

Bukod dito, bentahe din aniya ng Saints ang pagiging solido ng kanilang core na binubuo ng mga manlalaro ng St.Clare College sa pangunguna nina Junjie Hallare, Joshua Fontanilla at slotman Mohammad Pare.

Ngunit para sa Saints, mabigat kalaban ang Skippers dahil sa pagkakaroon nila ng “all star line up” sa pangunguna ng ex-PBA player na si Eloy Poligrates.

-Marivic Awitan

Laro Ngayon

(Ynares Sports Arena)

Game One of Best-of-3 Finals

3:30 n.h. -- BRT Sumisip Basilan-St. Clare vs Marinerong Pilipino