MARUNONG din palang humingi ng paumanhin at kumilala ng pagkakamali ang mga Chinese na bumangga sa fishing boat ng 22 mangingisdang Pinoy noong Hunyo 9,2019, mahigit dalawang buwan pagkaraang banggain, palubugin at abandonahin ang mga mangingisdang Pinoy sa gitna ng dagat. Pero, ayon sa huling ulat, hindi naman pala boluntaryo ang paghingi ng apology kundi iginiit lang ng Pilipinas.
Sa tagal ng insidente, akala ng mga mamamayan ay walang mangyayari sa sinapit na sakuna ng Pinoy fishermen na muntik nang mangalunod kung hindi sinagip at tinulungan ng Vietnamese fishermen. Ang pagbangga sa bangkang-pangisda ng mga Pilipino ay naganap sa Recto Bank na saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. Hindi ito saklaw ng Spratly Islands.
Sa isang memorandum mula sa Guangdong Fishery Mutual Insurance Association (GFMIA) president Chen Shiquin na may pamagat na “Chinese Apology on the Recto Bank Collision Incident” na ni-release ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Miyerkules, kinumpirma na ang Chinese fishing boat na sangkot sa banggaan noong gabi ng Hunyo 9 ay nakarehistro sa Guangdong province na ang may-ari ay miyembro ng asosasyon o GFMIA.
Sinabi ni Chen na hihimukin nila ang may-ari ng Chinese fishing boat na makipag-ugnayan sa Pilipinas para bigyan ng kompensasyon ang PH fishermen na muntik nang malunod at nasira pa ang bangka. Naniniwala ang asosasyon na bagamat ang banggaan ay hindi sinasadya, dapat panagutan ng may-ari ng bangkang-Tsino ang pinsala.
Batay sa ulat, tinanggap ng Pilipinas ang apology ng Chinese fishing vessel. Pahayag ni presidential spokesman Salvador Panelo: “Tinatanggap namin ang apology ng may-ari ng Chinese fishing vessel. Tanggap namin ang humility ng may-ari sa responsibilidad at pagkilala na dapat magkaloob ng kompensasyon para sa mga mangingisda at pinsala sa bangka.” Pero, ito ay pinabulaanan ni DFA Sec. Teodoro Locsin. “Noted” lang daw ito at hindi “Accepted”.
oOo
Kung paniniwalaan ang isang kongresista mula sa Bulacan, may 3.3 milyong Pilipino ang dumaranas ng depression. Ang Pilipinas daw ang isa sa may pinakamaraming kaso ng depresyon o labis na pagkalungkot sa Southeast Asia.
Sinabi ni Rep. Rida Robles ng San Jose del Monte, Bulacan, dumarami ang nagpapatiwakal sa bansa bunsod ng depresyon. Karamihan umano sa kanila ay kabataan. “Kinilala ng Dept. of Health na ito ay isang seryosong health condition,” ayon sa kanya.
Tatlo raw H ang sintomas ng depression. Ang mga ito ay haplessness, hopelessness at helplessness na dinaranas ng mga kabataang babae at lalaki. Binanggit niya ang 2017 World Health Organization report na nagsasaad na walo sa bawat 100,000 Pinoy ay nagpapakamatay. Sa bilang na ito, anim ang lalaki samantalang dalawa ang babae na ang edad ay 15 hanggang 29.
Binanggit din sa nasabing report na 3,000 tao sa mundo ang nagpapakamatay (suicide) bawat araw o isang suicide case sa bawat 40 segundo. Ang pagdami raw ng suicide ay bunsod ng social media, pagbabago ng lifestyle at kawalan ng suporta sa pamilya at komunidad.
Para sa akin, naniniwala akong habang buhay ang isang tao, laging may pag-asa. Ang buhay ay kaloob na biyaya ng Diyos na hindi dapat lagutin ng pinagbigyan nito. Isipin na lang ng ating kabataan na sa milyun-milyong semilya na ipinupunla ng lalaki sa obaryo ng babae, isa lang semilya ang matagumpay na nakalalangoy upang sumanib sa itlog o ovum ng anak ni Eba.
-Bert de Guzman