PINAALALAHANAN ni Pangulong Duterte ang Armed Forces of the Philippines na wakasan na ngayon ang Maoist rebellion. “Sa darating na mga araw, magkakaroon ng radical na pagbabago ang pagkilos ng gobyerno. Ipinaalam ko na sa bawat isa na sa darating na mga buwan, may kaunting kaguluhan, hindi naman madugo, sa ating bansa. Hindi ko maisip na kakayanin pa natin makipagdigmaan sa susunod pang 53 taon, kaya sinasabihan ko na ang militar, ‘Matatapos ba natin ito ngayon?’ Hindi na natin dapat ipasa pa ito sa susunod na henerasyon. Baka hindi na nila makaya ito. Dapat ngayon na,” wika ng Pangulo sa mga agrarian beneficiaries nitong Martes sa Quezon City.
Kaunting kaguluhan pa kaya ang nangyayari sa ating bansa? Pinaiiral na ng militar ang sinabi ng Pangulo sa kanila na wakasan na ang Maoist rebellion. Kaya, maliban sa narcolist ngayon, mayroon nang red-tagging na ginagawa ang militar. May mga pinatay na ayon sa red-tagging na ito ng militar. Ang mga ito ay itinuturing na mga rebeldeng komunista, symphatizer o supporter nila. Itong huli, dalawang journalist at isang pari ang nababahala para sa kanilang kaligtasan pagkatapos na lagyan sila ng tag na kasapi ng New People’s Army (NPA). Sila ay sina Froilan Gallardo ng Media News at Philippine Daily Inquirer, Cong Corrales na associate editor ng Cagayan de-Oro based Mindanao Gold Star Daily at Rev. Rolando Abejo ng Iglesia Filipina Independiente sa Cagayan de Oro.
Nabulabog na rin ang mga estudyanteng tahimik na nag-aaral. Nais pasukin ng militar ang kanilang mga paaralan lalo na ang University of the Philippines. Aktibista naman ang tag sa kanila. Bunga raw ito ng brainwashing na ginagawa sa kanila kaya may mga estudyanteng nagiging NPA, symphatizer o supporter ng mga rebeldeng komunista. Sa militar, ang aktibista at komunista ay iisa. Pero, sabi ni kabataan Party-list Rep. Sarah Elago: “Kapag kinontrol ng awtoridad ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral, hindi ito demokrasya, ito ay diktadura. Kapag sinabihan ng awtoridad ang mga estudyante kung paano mag-iisip, hindi ito academic freedom, ito ay brainwashing.”
Ang mangyayari, na siyang nagaganap ngayon, sa ginagawa ng administrasyong Duterte ay lulubhang kaguluhan. Hindi mawawakasan ang Maoist rebellion dahil darami ang mga rebelde. Hindi ito maigugupo ng karahasan. Kasi, ang karahasan ay magreresulta lang sa kawalan ng katarungan at paglabag sa karapatang pantao na siya nang nagaganap sa pagpapairal ng narcolist, red-tagging at pagtrato sa student activism na komunismo. Itinuturo ng kasaysayan na ang rebelyon ay hindi problemang militar kundi ito ay problemang ekonomiya. Ang nagpabagsak sa diktadurang Marcos ay kahirapan na nilunasan niya ng karahasan. Kaya sa halip na masupil ni Pangulong Duterte ang rebelyon pagkatapos ng kanyang termino, lilisan siyang higit na malakas ito sapagkat, tulad ng ginawa ng kanyang iniidolong minsan ay pinamunuan ang bansa, ginamitan niya ng kamay na bakal para malutas ang kagutuman at kahirapan ng mamamayan.
-Ric Valmonte