MEDYO natatauhan at tumatapang na ngayon ang mga lider ng ating bansa kaugnay ng lantarang pagmamalabis at paulit-ulit na paglalayag sa ating karagatan ng walang pasabing mga barkong-pandigma ng China na itinuturing na kaibigan ng ating Pangulo.
Hindi lang sa West Philippine Sea (WPS) nambu-bully ang kaibigan daw na China sa pamamagitan ng pag-okupa sa mga reef, shoal isle kundi maging sa dagat na saklaw ng teritoryo ng Pilipinas, tulad ng Sibutu Strait sa Tawi-Tawi. Walang abiso o paalam sa mga awtoridad ng Pilipinas ang Chinese warships na naglalayag sa Strait na ito na malayo sa WPS at malayo rin sa teritoryo ng China.
Dahil sa pagsasawalang-kibo ng mga lider natin sa ginagawa ng China sa ating karagatan noon, namihasa ang dambuhala sa pagbalewala sa mga karapatan at soberanya ng Pilipinas dahil alam nilang walang kakayahan ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG). Malimit sabihin na ayaw ng PH na makipaggiyera sa dambuhala dahil mauubos lang ang mga sundalo at pulis natin.
Noong Miyerkules, may balitang napikon na si Pres. Rodrigo Roa Duterte at nagbanta na gagawa na ng aksiyon ang PH laban sa dayuhang mga barko na naglalayag sa karagatan ng bansa nang walang pahintulot. Eh, sino ba ang dayuhang bansa na walang patumangga sa pagbibiyahe sa Siibutu Strait, at pinapatay pa ang kanilang Automatic Identification Service para hindi ma-detect ng Western Mindanao Command?
Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na nais ni PRRD na humingi muna ng clearance sa PH authorities ang Chinese warships na nais dumaan sa karagatan ng bansa. Badya ni Panelo: “Para maiwasan ang misunderstanding, gusto ng Pangulo na simula ngayon, lahat ng foreign vessels na daraan sa territorial waters ay dapat kumuha ng clearance sa mga awtoridad.”
Ayon kay Panelo, kung hindi tatalima ang mga warship sa mabuting pamamaraan, ipatutupad ng PH ang isang “unfriendly manner” laban sa kanila. Maaari raw magsagawa ng military action ang Duterte administration kung kinakailangan. “Bahala ang AFP para suriin ang situwasyon.”
Singit ng kaibigan kong sarkastiko: “Kaya ba ng AFP ang puwersa-militar ng dayuhan? ‘Di ba paulit-ulit na sinasabi ng ating Pangulo na ayaw nating makipaggiyera dahil mauubos lang ang ating mga kawal at pulis?”
Sa kabila ng pamamayagpag ng dengue sa maraming parte ng Pilipinas, hindi pa rin magrerekomenda ang National Dengue Task Force (NDTF) ng Department of Health (DoH) na i-restore ang certificate of product registration (CPR) ng dengvaxia vaccine dahil hindi naman umano ito epektibo sa pagpigil sa dengue infection.
Sa kanyang pagtutol sa restorasyon ng CPR ng Dengvaxia, sinabi ni Eduardo Janairo, NDTF chairman at DOH regional director sa Calabarzon, na sa rehiyon ay may mga pasyente na nabakunahan na pero nagka-dengue pa rin.
Talagang malala na ang sakit na dengue sa Pilipinas. Kailangan ang pakikiisa ng mga mamamayan sa DoH at iba pang ahensiya ng gobyerno na nagsisikap sugpuin ang epidemyang ito. Linisin natin ang kapaligiran, itaob ang mga bagay o kagamitan na may tubig na maaaring pangitlugan ng Aedis Egypti, ang dengue-carrying mosquitoes.
-Bert de Guzman