MALAKAS na sinimulan ni Philippines’ youngest Woman Fide Master (WFM) Antonella Berthe “Tonelle” Murillo Racasa (ELO 1380) ang kanyang kampanya sa pagbubukas ng World Cadet Chess Championships na ginanap sa Yujing Hotel sa Weifang, Shandong, China nitong Miyerkoles.
Ang 12-year-old genius na pambato ng Home School Global ay giniba si Sophia Ziyan Zhao ng Estados Unidos.
“It’s a good start for Antonella Berthe, I hope she can perform well in the World Cadet Chess Championships,” sabi ng ama at coach na si Roberto Racasa na isang International Memory champion na founder at ama ng Memory Sports sa bansa.
Ang kampanya ni Racasa sa China ay suportado nina Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) chair at CEO Andrea Domingo, D. Edgard Cabangon ng ALC Group of companies, Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos at Councilor Charisse Abalos.
Suportado rin siya nina Mr. Rogelio Lim ng Boni Tower at Makati Medical Center President at Chief Executive Officer Rose Montenegro kung saan makakalaban niya si Bayasgalan Khishigbaatar ng Mongolia sa second round.