Nanindigan ang Malacañang na hindi pa rin daw nag-iiba ang posisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa usapin ng muling pagsali ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Sa ibinahaging pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro noong Lunes, Marso 9 (oras sa Estados Unidos), hindi pa rin daw aanib ang bansa sa nasabing korte.
“Hindi nagbabago ‘yong stance ng Pangulo, hindi pa rin po tayo ngayon magre-rejoin sa ICC,” saad ni Usec. Castro.
Natanong din ang press officer kaugnay naman sa dahilan ni PBBM kung bakit hindi pa rin umano nito nais isali ang bansa sa ICC.
“‘Yan lang ang binitawan sa akin na salita ng Pangulo,” anang press officer.
Sa kasalukuyan, nakadetine pa rin sa nasabing korte si dating Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay sa kaso niyang crimes against humanity—sa kasagsagan ng war on drugs sa kaniyang administrasyon.
Mamarkahan naman sa Miyerkules, Marso 11, ang saktong isang taong pananatili ni FPRRD sa ICC.
Vincent Gutierrez/BALITA