MAKASIGURO ng ikalawang playoff berth sa Group A at muling makasalo sa pangingibabaw ang tatangkain ng Centro Escolar University ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D League Foundation Cup sa JCSGO Gym sa Cubao.
Hawak ang malinis na 3-0 baraha, kasalukuyang pumalangalawa ang Scorpions sa nauna ng quarterfinalist na Marinerong Pilipino na mayroon namang 4-0 kartada.
Makakasagupa ng CEU sa unang laro ng nakatakdang double header ngayong 1:30 ng hapon ang baguhang koponang iWalk bago ang huling laban tampok ang Italiano's Homme at Black Mamba ganap na 3:30.
Ayon kay CEU coach Derrick Pumaren, kinakailangan ng kanyang koponan na manatiling naka-focus sa laro upang humantong sa gusto nilang maabot.
“I think we just have to stay focused on our immediate goal, which is to make it to the next round or even make it to the top two,” pahayag ni Pumaren.
Hawak naman ang barahang 2-1, kasalukuyang nasa ikatlong puwesto ng Group A, sisikapin naman ng iWalk na manatiling nakaagapay sa mga nangingibabaw na koponan sa pagpuntirya ng una nilang back-to-back win.
Magkasalo naman sa ika-apat na puwesto ng Group B, maghihiwalay ng landas ang magkatunggaling Italiano's Homme at Black Mamba na may parehas na markang 1-1.
-Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(JCSGO Gym, Cubao)
1:30 n.h. -- CEU vs iWalk
3:30 n.h. -- Italiano's vs Black Mamba
Standings W L
Group A
Marinero* 4 0
CEU 3 0
iWalk 2 1
Asia's Lashes 2 2
AMA 2 3
Hazchem 1 2
Nailtalk 0 6
Group B
BRT-St. Clare 3 0
TIP* 5 1
Hyperwash 2 2
Black Mamba 1 1
Italianos 1 1
McDavid 0 3
Alberei 0 4
* - clinched playoffs