Nais ng isang grupo ng mga guro na imbestigahan ang isyu hinggil sa pagbili umano ng Department of Education (DepEd) ng may P113 milyong halaga ng mga libro at iba pang learning materials na hindi naman nagamit.

Ayon kay Alliance of Concerned Teachers (ACT-Teachers) chairperson Joselyn Martinez, dapat na imbestigahan ng pamahalaan ang ulat ng Commission on Audit (COA) hinggil sa umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo ng DepEd partikular na ang may kinalaman sa pagbili ng mga learning materials.

Giit ni Martinez, hindi sapat ang simpleng paliwanag lamang at dapat na may managot sa naturang anomalya.

Hindi nagustuhan ni Martinez ang natuklasan ng COA na may tatlong milyong librong binili ang hindi pala nagagamit at nakatago lamang sa mga bodega, gayung kulang na kulang, aniya, ang mga librong ginagamit ng mga mag-aaral sa ngayon.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Dagdag pa niya, anim na taon matapos na maipatupad ang K to 12 program, hindi pa rin naidi-distribute ng DepEd ang mga textbooks sa maraming asignatura sa iba’t ibang baitang.

Base sa isinagawang dokumentasyon ng grupo, mula Hunyo ng taong ito ay wala pa ring opisyal o usable textbooks ng MAPEH para sa Grade I; Araling Panlipunan para sa Grades II, III, IV, V, VI, VII, IX at X; Science para sa Grades V at VI; Filipino para sa Grades VI, VII, at VIII; at Mathematics para sa Grades VI, VII, VIII, at X.

Sa Grade XI naman, wala pa rin umanong textbooks para sa General Academic Strand (GAS), Humanities and Social Sciences (HUMMS), Accountancy and Business Management (ABM), at Technical, Vocational and Livelihood – Shielded Metal Arc Welding (TVL-SMAW).

Sinabi ni Martinez na matagal nang hinihintay ng mga guro ang mga naturang learning materials at dahil hindi naipamahagi ang mga ito ay kinakailangan ng mga guro na magbigay ng esktrang oras, effort at pera upang bumili ng kanilang sariling reference materials.

Nanindigan rin siya na dapat na kaagad na matugunan ang naturang matagal nang problema at napapanahon nang may panagutin hinggil dito.

-Mary Ann Santiago