PALIBHASA’Y may matinding pagmamahal sa Wikang Filipino, gusto kong bigyang-diin na hindi dapat manaka-naka ang pagpapahalaga sa ating wika. Hindi lamang sa loob ng isang linggo o isang buwan, o kahit na sa loob ng isang taon lamang. Manapa, marapat at makatuwirang ipamalas araw-araw ang ating walang pagkukunwaring pagpapahalaga sa sariling wika na itinuturing na sagisag ng tapat na pagkamakabayan.
Bagama’t isang taal na Ilokano, matagal ko nang itinataguyod ang pagpapalaganap at pagdakila sa Wikang Filipino – sa lahat ng pagkakataon. Katunayan, bagamat hindi marahil kalabisang banggitin, naging bahagi ako ng isang pagpupulong kaugnay ng pagbalang ng isang Presidential Proclamation na nagtatakda ng Buwan ng Wikang Filipino. Noon pa man, lagi ko nang binibigyang-diin na hindi dapat panandalian lamang ang padiriwang ng ating wika. At lalong hindi lamang isang taon kundi araw-araw.
Gayunman, natitiyak ko na ang iba’t ibang sektor ng totoong nagmamahal sa ating wika – sa pangunguna ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) – ay naglalatag ng mga programang may kaugnayan sa Buwan ng Wika. Marapat lamang magkaroon ng mga talakayan tungkol sa wastong paggamit ng ating wika na pangungunahan ng itinuturing nating mga dalubwika o mga dalubhasa sa wika – kabilang na rito ang mga nagdudunung-dunungan sa wika.
Marapat na maging bahagi ng talakayan ang mga kinatawan ng mga media outfit – pahayagan, radio at television stations at maging ng social media. Ang wastong paggamit at pagbigkas ng ating wika ay makabuluhang sangkap, wika nga, sa makatuturang pamamahala sa mga peryodiko at ng mga himpilang panghimpapawid. Kasabay nito, naniniwala ako na malaki rin ang maitutulong ng mga ito sa pagpapayaman ng mga kaalaman ng ating mga mambabasa at mga tagapakinig. Ipaubaya natin ang mahalagang misyong ito sa mga itinuturing na henyo ng ating wika.
Samantala, nais kong iukol ang maikli na nating panahon sa pagpapayabong ng wika sa pamamagitan ng paghikayat sa ating mga kababayan sa araw-araw na paggamit o pagsasalita sa ating wika. Kaakibat ito ng pagbibigay-diin sa pagpapahalaga rin sa iba’t ibang regional dialect sa buong kapuluan – mga katutubong wika na naging bahagi rin ng Wikang Filipino – ang wika na binibigkas at nauunawaan ng ating mga kababayan mula Batanes hanggang Jolo.
-Celo Lagmay