“HUWAG kang masyadong p a l a g a y s a i y o n g kakayahan. Bakit mo ako pinupulaan? Karapatan ko ito,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa anibersaryo ng Bureau of Fire Protection nitong nakaraang Huwebes ng gabi. Ito ang kanyang reaksyon sa puna ni Sen. Richard Gordon sa paghirang niya kay retired Lt. Gen. Emmanuel Salamat bilang board member ng Metropolitan Waterworks and Sewarage System. Sa panayam kasi ng media kay Gordon, sinabi nito na ikinalulungkot niya ang patuloy na paghirang ng Pangulo sa mga dating opisyal ng militar sa mga pangsibilyang tanggapan. Kahit kaalyado ng Pangulo si Gordon sa Senado, hindi niya ito pinalampas ng kanyang mga maaanghang na salita. Tinawag niya itong “smart ass” na kung lumakad ay animo’y “penguin”. Sa kanyang nakausling tiyan, aniya, naririto ang kanyang natunaw na utak.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gordon na hindi niya dinamdam ang kutya sa kanya ng Pangulo. Aniya, karapatan ng bawat isa ang magbigay ng opinyon at hindi tayo dapat maging balat-sibuyas sa mga ganitong bagay. “Ang problema sa Pangulo ay mababaw ang kanyang pinagkukunan ng tao. Dahil galing siya sa probinsiya, wala siyang kakilalang mga tao, kaya nagdedepende siya sa militar. Mapanganib ito dahil ang sibilyan ay dapat manatiling nangingibabaw sa militar,” wika pa ni Gordon.
Inihayag na ng Pangulo ang dahilan kung bakit hinihirang niya sa mga sibilyang posisyon sa gobyerno ang mga militar. Malaki raw ang kanyang tiwala sa mga ito na matutupad nila ng tapat ang kanilang tungkulin. Sa puna ni Gordon hinggil sa kanyang paghirang kay retired Lt. Gen. Salamat bilang MWSS board member, gasino bang inulit na lang ng Pangulo ang kanyang nasabing katwiran. At sa pagpuna naman ni Gordon sa ginawang paghirang ng Pangulo, baka hindi nagalit ito kung sinabi lang niya na kaya siya tutol sa kalakarang ito dahil nais niyang tiyakin sa publiko na hindi minimilitarize ang gobyerno. Kaya lang, may masakit na pasaring si Gordon laban sa Pangulo. Wala kasi, aniyang, kakilalang mga tao dahil galing ito sa probinsiya. Inulit lang ni Gordon ang argumento laban sa Pangulo sa pagpapairal nito ng kanyang mga programa.
Ang sinasabi ng mga kritiko ng Pangulo ay makitid ang kanyang pananaw sa mga problema ng bansa dahil taga-probinsiya lang siya. Nanilbihan siya sa gobyerno sa limitadong espasyo ng Davao bilang alkalde, piskal at bise-alkalde. Naging Pangulo na kaagad siya ng bansa nang walang karanasang masabat ang mga malaki at malawak na problema nito. Halimbawa na lang ay ang mga problema ng kapayapaan, droga at kakulangan ng bigas. Militarisasyon, war on drugs at import liberalization ba ang mga lunas? Probinsiyanong solusyon ang mga ito na ang mga epekto ay higit na malalang pasanin ng bansa kaysa mga problemang nilunasan nito.
-Ric Valmonte