Inaresto na ng mga tauhan ng Station Investigation Unit (SIU) at Follow-Up Division ng Valenzuela Police Station sa Pampanga, ang suspek sa pagpatay at pagtatapon ng labi ng isang ginang sa palaisdaan sa lungsod na ito.

Dakong alas-siyete ng gabi nang kuhanin nina P/ Major Jose R. Hizon, hepe ng SIU ang suspek na si Godofredo C. Perdigun, 47, nakatira sa No. 149 A. Concepcion Street, Barangay Pasolo, Valenzuela City, sa  rehabilitation center sa Mabalacat, Pampanga.

Bago dinala sa Valenzuela Detention Cell Godofredo mula Pampanga, isinagawa ni P/ Corporal Ryan Alburo ang extra judicial confession, kaharap ang abogado ng akusado at kinatawan ng rehabilitation center.

Inamin ng suspek na siya ang pumatay kay Rosalie Mission Sagal, 43, naninirahan sa Northbay Boulevard, South, Navotas City.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Sa kanyang salaysay ng suspek, sinaksak niya sa leeg at kaliwang kili-kili ang babae at pagkatapos ay  isinilid niya ito sa itim na plastic bag, saka umano itinapon sa isang fishpond sa A. Concepcion Street, ng nabanggit na barangay noong Hulyo 21.

Upang mapagtakpan ang krimen, noong Hulyo 26, personal na nagtungo sa isang rehabilitation center sa Mabalacat si Godofredo, para umano ipagamot ang sarili sa pagkagunom sa ilegal na droga.

Agosto 3, 2019, nakita ang labi ni Sagal sa palaisdaan hanggang sa makilala ito ng kanyang mister na si Charlie Sagal, 43, dahil sa suot na damit, relo at singsing.

Ayon sa asawa ng biktima, Hunyo 20 pa umano nawawala ang kanyang misis at sinasabing ang huling kasama nito ay si Perdigun.

Ito umano ang nagbigay daan upang maging person of interest si Perdugin, ayon kay P/ CMS Felix Viernes ng SIU.

Pinuntahan ng mga  pulis ang bahay  ng suspek at dito nila napag-alaman na nasa rehab na ito.

Sa interogasyon, pinatay umano ng suspek ang biktima nang tumanggi itong makipaghiwalay kanya.

Naniniwala naman ang asawa ng biktima na tinakot lang ng suspek ang kanyang misis kaya ito sumama.

Kinasuhan na ng murder si Perdigun at walang piyansang inerekomenda ang Piskalya para sa pansamantalang paglaya nito.

-Orly L. Barcala