Malabo nang maglandfall sa anumang bahagi ng bansa ang bagyong ‘Hanna’, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical ang Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa abiso ng PAGASA, sinabi nito na malaki pa rin ang posibilidad na lumakas ang bagyo bago ito lumabas ng Philippine area of responsibility (PAR) sa Biyernes.

Ipinaliwanag ng PAGASA, bahagyang lumakas kahapon ang bagyo na taglay ang lakas ng hanging 85 kilometers per hour (kph) at bugsong aabot ng 105 kph.

Paglalahad ni weather forecaster Benison Estareja, ng PAGASA,  inaasahang mag-iipon ng lakas ang bagyo sa loob ng 24 oras.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Huling namataan ang bagyo sa layong 875 kilometro Silangan ng ng Tuguegarao City at kumikilos pa-north-northwest sa bilis na 15 kph.

Ipinaliwanag ni Estreja na ang southwest monsoon o “habagat” ay patuloy na nagpapalakas sa buong bansa ngunit ang monsoon clouds ay naililihis patungo sa namumuong low pressure area (LPA) sa kanluran ng Northern Luzon o sa West Philippine Sea. Huling namataan ang LPA sa labas ng Pilipinas.

Gayunman, patuloy pa ring makakaranas ng moderate to heavy monsoon rains sa hilagang bahagi ng Palawan, kasama ang Calamian at Cuyo Islands, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Romblon, at Western Visayas.

Mararanasan pa din ang manaka-nakang pag-ulan na may kasamang pagkulog-pagkidlat sa buong Metro Manila, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Masbate, Catanduanes, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Marinduque, southern part ng Palawan, at Visayas.

Patuloy ding makararanas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa habang nasa loob ng PAR ang bagyo, ayon pa kay Estareja.

Inabisuhan ang mga naninirahan malapit sa lugar na madalas bahain na makipag-ugnayan sa local disaster risk reduction and management offices bago pa lumala ang sitwasyon.

Ipinagbabawal pa ring mangisda ang maliliit na bangka sa western seaboards ng Northern Luzon at Central Luzon, seaboards ng Southern Luzon at Visayas, at sa eastern seaboard ng Mindanao dahil sa malalakas na alon dala ng habagat.

-Ellalyn de Vera-Ruiz