Laro Ngayon (Araneta Coliseum)

6:45 pm TNT vs. Ginebra

MAKUHA ang inaasam na 2-0 bentahe sa serye na maglalapit sa kanila sa minimithing pagpasok sa kampeonato ang tatangkain ng TNT sa muli nilang pagtutuos ng crowd favorite Ginebra ngayon sa Game 2 ng kanilang best of five series para sa 2019 PBA Commissioners Cup semifinals.

Ganap na 6:45 ng gabi ang muling bakbakan ng dalawang koponan na gaganapin sa Araneta Coliseum sa Cubao.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Gaya ng nangyari noong unang laban kung saan matinding paghahabol ang ginawa ng Katropa sa second half ng laro bago nasungkit ang panalo, inaasahan nilang mas matindi pa dito ang magaganap sa Game 2.

Kaya naman umaasa rin si coach Bong Ravena na mas magiging agresibo pa sa kanilang laro ang Katropa lalo na sa depensa na siyang susi sa kanilang naging panalo dahil inaasahan na nila ang tangkang pagresbak ng Ginebra.

Muli nilang sasandigan upang pamunuan ang Katropa sa hangad na paglapit sa inaasam na pagtungtong ng Finals ang isa sa mga leading Best Import candidate na Terrence Jones at mga pangunahing locals na sina Jayson Castro at Troy Rosario.

Sa kabilang dako, gaya ng inaasahan ng Katropa magkukumahog ang Kings na makabawi at itabla ang serye sa pamumuno ng kaagaw ni Jones sa Best Import honors na si Justine Brownlee kabalikat ang mga local stars nilang sina Stanley Pringle, LA Tenorio, Mark Caguioa,Greg Slaughter, Scottie Thompson at Joe Devance.

Samantala, may duda kung makakalaro ngayon si TNT forward Anthony Semerad pagkaraan ang matinding pagkabangga nito kay Brownlee sa Game 1 na hinihinalang nagresulta sa injury sa kaliwang balikat.