IDEDEPENSA sa ikalawang pagkakataon ni OPBF flyweight champion Jayr Raquinel ng Pilipinas ang kanyang titulo sa matagal naging Japanese 112 pounds titlist na si Takuya Kogawa sa Agosto 23 sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.
Unang laban ito ni Raquinel mula sa kontrobersiyal na pagkatalo sa puntos kay WBC Silver flyweight champion Wulan Tuolehazi noong nakaraang Setyembre 28 sa Changsha, China.
May kartadang 10-1-1 na may 7 pagwawagi sa knockouts, natamo ni Raquinel ang OPBF title nang patulugin niya si Keisuke Nakayama sa 9th round at una niya itong naidepensa via 4th round knockout kay dating world rated Japanese Shun Kosaka sa mga sagupaan sa Japan.
Hindi natatakot lumaban sa Japan ang 22-anyos at tubong Negros Occidental na si Raquinel kaya tinanggap niya ang hamon ng beteranong si Kogawa at itinaya ang kanyang world ranking bilang No. 15 contender kay WBC flyweight champion Charlie Edwards ng United Kingdom.
May kartada naman ang 34-anyos na si Kogawa na 30-5-1 na may 13 pagwawagi sa knockouts at minsang lumaban at natalo sa puntos sa laban kay Thai Sirichai Thaiyen para sa interim WBA flyweight title sa Bangkok, Thailand.
-Gilbert Espeña