LAOAG CITY –Nasa kabuuang 2,740 magsasaka at mangingisda ng Ilocos Norte ang makatatanggap ng libreng crop and life insurance coverages, na ipinagkaloob ng probinsiyal na pamahalaan at ng Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC).

Mula nitong Hulyo 11, pinupuntahan ng provincial agriculture office field workers ang mga rehistradong samahan ng mga magsasaka at mga mangingisda sa buong probinsiya upang mabigyan ng kaalaman at impormasyon ang mga target na benepisyaryo.

Ang life insurance premium, na nagkakahalaga ng P375 kada benepisyaryo ay sasagutin ng pamahalaan ng Ilocos Norte.

Ngayong taon, naglaan ang Ilocos Norte ng higit P1 milyon para sa life insurance program upang maibigay ito sa pinakamahihirap na sektor. Isasama din ng PCIC sa insurance ang mga tanim, huling isda at kabuha yan ng mga benepisyaryo.

“The insurance program will be of great help to our farmer and fisherfolk beneficiaries since it guarantees that they can recoup farm losses that they may incur due to natural calamities,” pahayag ni Dr. Luz Tabora, officer-in-charge ng provincial agriculture office, kamakailan.

Pagbabahagi ni Tabora, sakop ng insurance program ang mga nasirang pananim ng mga magsasaka dulot ng sakit, peste at kalamidad, tulad ng bagyo, baha, tagtuyot, buhawi at lindol.

Nito lamang nakaraang linggo nakaranas ang Ilocos Norte ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan dulot ng Bagyong Falcon.

Biyaya ito para sa mga magsasaka na matagal nang naghihintay ng buhos ng ulan upang makapagsimula na sila ng pagtatanim ng palay matapos ang panahon ng tagtuyot.

Sa kasalukuyan, nasa tinatayang 19,709 ektarya ng 51,273 ng nabibigyan ng irigasyon sa probinsiya habang karamihan ng mga magsasaka ay umaasa pa rin sa ulan upang makapagsimula ng pagtatanim.

PNA