NAGPAKITA ng kakaibang bilis si South African Lerato Dlamini upang dominahan ang tulad niyang world rated ding si Dave Penalosa para magwagi sa 12-round unanimous decision para sa bakanteng WBC Silver featherweight title sa King Abdullah Sports City, Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia kamakalawa ng gabi.
Hindi nakaporma ang mas matangkad at kaliweteng si Penalosa sa husay umiwas ni Dlamini sa kanyang pamatay na kaliwa kaya nagwagi ito sa mga iskor na 117-109 kay judge Ian John Lewis ng United Kingdom; 118-108 kay judge Rey Danseco ng Pilipinas at 117-109 sa huradong si Guido Cavalleri ng Italy.
Sa pagwawagi, inaasahang aangat sa world ratings si Dlamini na nakalistang No. 11 contender kay WBC featherweight champion Gary Russel Jr. at posibleng maagaw niya ang ranking ni Penalosa na nakalistang No. 10 challnger kay WBO featherweight titlist Oscar Valdez ng Mexico.
Napaganda ni Dlamini ang kanyang rekord sa 13 panalo, 1 talo na may 6 pagwawagi sa knockouts samantalang bumgsak ang kartada ni Penalosa sa 15 panalo, 1 talo na may 11 pagwawagi sa knockouts. - Gilbert Espeña