Mga Laro Ngayon (Araneta Coliseum)
4:30 n.h. -- Alaska vs Blackwater
6:45 n.g. -- Ginebra vs Columbian Dyip
MASIGURO ang kanilang pagsulong sa susunod na round ang tatangkain ng Alaska habang patatatagin ng Blackwater at Ginebra ang pagkakaluklok sa kani-kanilang puwesto sa pagtatapos ng kanilang elimination round campaign sa 2019 PBA Commissioners Cup sa araw na ito.
Kasalukuyang nasa ikawalong puwesto ang Aces hawak ang 4-6 na kartada at ganap ng makakausad sa playoffs kung makakamit ang ikalima nilang panalo dahil sila na lamang ng San Miguel (4-5) na may laro kahapon kontra Rain or Shine habang isinasara ang pahinang ito, ang mga nalalabing koponang puwedeng makalimang tagumpay na magsiselyo ng slot nila sa quarterfinals.
Kung parehas sila ng Beermen na makakalimang tagumpay, ganap ng makukumpleto ang hanay ng mga quarterfinalists na kinabibilangan sa ngayon ng top two seeds TNT (9-1) at Northport (9-2) ayon sa pagkakasunod, Blackwater (6-4) at Ginebra (6-4), Rain or Shine (5-5) at Magnolia (5-5).
Subalit kung mabibigo ang Alaska o matatalo ang Beermen sa huling dalawang laro nito, tatapos silang may barahang 4-7, panalo-talo at makikipag agawan pa kung sakali sa Phoenix (4-7), Columbian Dyip (3-7) at Meralco (3-7) para sa huling dalawang upuan sa playoff round.
Sisikapin ng Aces na makaahon sa kinasadlakang 4-game losing skid, pinakahuli sa kamay ng Rain or Shine nitong Hulyo 6 sa MOA Arena sa iskor na 84-86.
Sa panig ng Elite, magtatangka rin silang makabalik sa winning track para makabuwelo patungo sa quarters matapos ang 97-115 kabiguan sa kamay ng Katropa nitong Hulyo 7.
Samantala, sa tampok na laro, tatangkain ng Kings na tapusin ang elimination round sa pamamagitan ng 3-game winning streak habang ilalaban ng Dyip ang gahiblang tsansang hawak nila para umabot ng playoffs.
Manggagaling ang Ginebra sa dalawang dikit na panalo, pinakahuli noong nakaraang Linggo-Hulyo 7, 102-81 kontra Magnolia habang magbubuhat naman ang Dyip sa 100-98 na pag-ungos noong Hulyo 6 sa Phoenix.