KAPWA galing sa back-to-back wins sa nakaraan nilang mga laban, mag-uunahang magtala ng kanilang ikatlong sunod na tagumpay ang Rain or Shine at San Miguel Beer sa kanilang pagtutuos ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Commissioners Cup.

Magaganap ang nasabing laban sa pagitan ng Elasto Painters at ng Beermen ganap na 5:00 ng hapon sa Cagayan de Oro City.

Krusyal parehas para sa dalawang koponan ang laro dahil mangangahulugan ito ng garantisadong quarterfinals berth para sa Rain or Shine na kasalukuyang may patas na markang 5-5 kung sila ang magtatagumpay habang kailangan din ng Beermen na may kartadang 4-5 ang panalo para sa target nilang makausad din at humabol sa susunod na round.

“Naghahabol kami kaya lahat ng natitira naming laro ay importante sa amin,” pahayag ni SMB slotman Junemar Fajardo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Medyo maganda na ulit yung nilalaro namin at lahat nagtutulungan.Sana magtuluy-tuloy,” aniya.

Hangad ng dalawang koponan na tumapos na may 6 na panalo sa elimination round upang makaiwas sa twice-to-beat handicap sa quarterfinals kung babagsak sila sa 7th o 8th spot.

Parehas nagtala ng dalawang dikit na panalo ang dalawang koponan sa pagdating ng kani-kanilang bagong import na sina Carl Montgomery ng Elasto Painters at Chris McCullough ng Beermen.

Kaya naman tiyak na aantabayanan din ng mga fans ng dalawang koponan partikular sa “City of Golden Friendship” ang magiging tapatan ng dalawang reinforcements.

-Marivic Awitan