April 11, 2026

Home SPORTS

Calix Ho, nakopo ginto sa UAAP Season 88 men’s fencing championships

Calix Ho, nakopo ginto sa UAAP Season 88 men’s fencing championships
Photo courtesy: UAAP Media Team via GMA News

Naiuwi ni Calix Ho para sa University of the Philippines ang gintong medalya laban kay Edan Ensamtan ng De La Salle University, sa men’s fencing championships ng UAAP Season 88 na may puntos na 15–12, sa ginanap na laban noong Biyernes, Marso 13,  sa Makati Coliseum.

Dahil sa panalong ito, umangat sa ikalawang puwesto ang UP kung saan sinundan ni Ho ang tagumpay ng national team stalwart na si Miggy Bautista, na nagkampeon naman sa parehong event noong nakaraang season, upang mapanatili ng Fighting Maroons ang titulo sa men’s epee.

Sa kasalukuyan, may medal tally na 1–0–1 (ginto–pilak–bronse) ang UP, isang silver medal lamang ang agwat sa Green Fencers ng La Salle na may 1–1–1 na rekord.

Ayon kay Ho, hindi niya sukat akalain ang makamit ang tagumpay matapos ang matinding paghahanda para sa kompetisyon.

Bago makarating sa finals, tinalo muna ni Ho si Jotham Thai ng Ateneo de Manila University, 15–10, sa quarterfinals.

Manny Pacquiao, nag-ceremonial first pitch sa gitgitan ng Yankees at Athletics

Sinundan ito ng dikitang panalo laban kay Adam Putian ng University of Santo Tomas, 15–14, sa semifinals upang makapasok sa gold medal match.

Sa kabila ng kaniyang tagumpay, sinabi ng 18-anyos na rookie na nais pa rin niyang manatiling mapagkumbaba at tutukan ang team event ng kanilang koponan. Tatlong taon pa lamang umano siyang nagsasanay sa fencing.

Si Calix ay anak ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo sa dating karelasyong si Carlene Aguilar. Pareho silang present sa tagumpay na ito ng anak nila, kasama ang kasalukuyang misis ni Dennis na si Kapuso Star Jennylyn Mercado.