Bedans at Pirates, masusubok ang katatagan sa NCAA

Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Centre)

12:00 n.t. -- JRU vs San Beda (M)

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

2:00 n.h. -- Letran vs Arellano (M)

4:00 n.g. -- EAC vs LPU (M)

IKALAWANG sunod na panalo para sa maagang pamumuno ang kapwa tatangkain ng magkaribal na San Beda University at Lyceum of the Philippines sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament ngayon sa Filoil Flying V Center.

Parehas nagwagi sa kani-kanilang laban sa opening day, mauunang sumalang sa nakatakdang triple header ngayong hapon ang Red Lions habang sa huling laro sasabak ang Pirates.

Makakatunggali ng San Beda na namayani kontra Season host Arellano University noong nakaraang Linggo, 59-46, ang Jose Rizal University ganap na 12:00 ng tanghali.

Susundan ito ng tapatan ng mga opening day losers Letran at Arellano ganap na 2:00 ng hapon bago ang tampok na laban sa pagitan ng Emilio Aguinaldo College at Pirates ganap na 4:00 ng hapon.

Dinaan sa bilis at paspasan ng Lyceum ang nakatunggaling Letran sa pamumuno ng magkapatid na Jaycee at Jayvee Marcelino kasama ng kapitan na si Reymar Caduyac.

Ang nasabing bilis ang muli nilang sasandigan sa pagharap kontra Generals lalo pa’t malabo pa rin ang kundisyon ng kanilang Cameroonian slotman na si Mike Nzeusseu na nagpapagaling ng injury sa kanyang kaliwang kamay.

“We might be the smallest, but what we have is the quickest team in the league right now,” pahayag ni LPU head coach Topex Robinson.

“We’re focusing on all our energy to being the smallest and the quickets team in the league, hoping that teams won’t catch up our quickness,” aniya.

Inaasahang muli silang mapapalaban ng husto sa Generals na magkukumahog namang bumawi mula sa natamong 66-69 na kabiguan sa kamay ng College of St. Benilde nitong Martes.

Muli namang pinapaboran ang Red Lions kontra sa makakasagupang Heavy Bombers na dumanas ng 51-82 pagdurog sa kamay ng San Sebastian College.

Samantala, mag-uunahan namang makapagtala ng unang panalo ang magkatunggaling Knights at Chiefs sa ikalawang laro.

-Marivic Awitan