MAKASUNOD at humanay sa mga opening day winners Lyceum at defending champion San Beda ang tatangkain ng anim pang koponan ngayong hapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA Season 95 men’s basketball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Unang sasalang at mag-uunahang magposte ng unang tagumpay ganap na 12:00 ng tanghali ang Emilio Aguinaldo College at ang College of St.Benilde.

Kasunod nilang sasalang at magtutuos sa ikalawang laban ang Mapua University at ang University of Perpetual Help ganap na 2:00 ng hapon bago ang huling bakbakan tampok ang San Sebastian College at Jose Rizal University.

Bagong sistema na masusubok kung nakabisado at natanggap na ng koponan nila ang matutunghayan para sa Generals at Heavy Bombers sa pagkakaroon nila ng bagong mentor ngayong season.

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

Malaking hamon at pagsukat na rin sa kanilang kahandaan nina EAC coach Oliver Bunyi at JRU coach Louie Gonzales ang pagsalang nila kontra sa dati ng mga mentors ng liga na sina TY Tang ng Blazers at ang beteranong si Egay Macaraya ng Stags, ayon sa pagkakasunod.

Bagama’t hindi na baguhan sa coaching job bilang mga dating assistant coaches, iba pa rin ang pormal na pag-upo bilang head coach.

Bago rin sa paghawak ng senior squad, inaasahang hindi na gaanong maninibago bilang coach ng Cardinals si Randy Alcantara dahil ang core ngayon ng koponan ay mga dati rin nyang players sa Red Robins.

Gayunman, agad syang masusukat sa pagtatapat nila ng beteranong Altas coach na si Frankie Lim.

Sa anim na koponan, ang Blazers ang may pinaka intact na line-up bagamat hindi gaanong napag-usapan sa nakaraang pre-season ay inaasahang may hatid na panggulat.

-Marivic Awitan