MATAPOS ang kanilang mga nakagugulat na mga panalo noong nakaraang taon dulot na rin ng ‘di matatawaran nilang frontline na buo pa rin ngayong papasok na season, hindi kataka-takang ihanay sa mga nangungunang contenders ang koponan ng Colegio de San Juan de Letran sa NCAA Season 95 men’s basketball tournament.
Binubuo ni dating Rookie of the Year Larry Muyang, dating Gilas Pilipinas cadet Jeo Ambohot na sinamahan pa nina Pao Javillonar, Mark Sangalang at Ato Ular, taglay ng Knights ang pinakamalakas na frontline ngayong season kahit pa wala silang foreign player.
“Although walang (foreign student-athlete), ang strength namin ay sa bigs pa rin. Nadagdagan pa nga kami ngayon so we want to utilize and maximize yung bigs namin,” pahayag ni bagong Letran coach Bonnie Tan.
Gayunman, inaasahang patuloy pa rin ang Knights sa kanilang adjustment mula sa sistema ng dati nilang coach na si Jeff Napa.