MATINDI na may kaakibat ng kilabot ang pahiwatig ni Pangulong Duterte: Durugin ang Abu Sayyaf Group (ASG) bago matapos ang taong ito o hanggang sa Disyembre 31.
Ang naturang direktiba ay bunsod ng malagim na pambobomba sa Basilan na ikinamatay ng ating tatlong sundalo at iba pang sibilyan at ikinasugat ng maraming iba pa; insidente na naganap sa mismong malapit sa military camp.
Sinasabing kagagawan ito ng mga suicide bombers na ang isa ay miyembro ng naturang grupo ng mga bandidong Muslim.
Walang makapagpapasinungaling na ang ASG ang pasimuno sa paghahasik ng mga karahasan, hindi lamang sa Mindanao, kundi maging sa ilang komunidad sa kapuluan. Katakut-takot ang pinangunahan nilang madudugong kidnap-for-ransom (KFR) na bumiktima sa mga dayuhang turista at sa mismong mga kababayan natin.
Nakapanghihilakbot na ang gayong mga criminal activities ay ikinamatay ng marami; ang ilan ay pinanatiling mga bihag hanggang hindi sila nakapagbabayad ng milyun-milyong pisong ransom money.
Gusto kong maniwala na ang pinatinding utos ng Pangulo ay may kinalaman sa sinasabing pagtustos ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa mga pangangailangan ng ASG. Ibig sabihin, ang naturang grupo ng mga rebelde ay pinakikilos ng mga dayuhan na walang humpay sa paghahasik ng panganib sa ating bansa.
Ito marahil ang dahilan kung bakit ang iba’t ibang sulok ng kapuluan, lalo na ang Metro Manila, ay mistulang nilulusob ng ilang elemento ng ASG. Mabuti na lamang at ang ating mga awtoridad ay nakadadakip ng mangilan-ngilang bandido sa mga lugar na ngayon ay pinagkukutaan ng ating mga kapatid na Muslim.
‘Tila ganito rin ang panganib na inihahasik naman ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na patuloy na nakikidigma sa ating mga kawal at pulis. Ang ganitong malagim na mga aktibidad ang nais lipulin ng administrasyon; pagpuksa na nais sanang maiwasan sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan o peace talks.
Biglang sumagi sa aking utak ang isang nakakikilabot na masaker sa Patikul, Sulu, maraming dekada na ang nakalilipas. Mahigit na 40 sundalo, na pinangungunahan ni Gen. Teodulo Bautista, ang pataksil na pinagpapatay ng mga rebeldeng Muslim nang sila ay magtagpo sa naturang lugar para sa isa sanang usapang pangkapayapaan. Ang iba pang eksena ay bahagi na lamang ng kasaysayan.
Alang-alang sa pagkakaroon ng inaasam nating pangmatagalang katahimikan, nais ng administrasyon na puksain ang mga balakid sa tahimik na pamumuhay; paglipol na maaaring kahawig ng digmaang sumiklab sa Marawi City.
Ang pagdanak kaya ng dugo ng kapwa mga Pilipino ay magiging katanggap-tanggap sa sambayanang Pilipino?
-Celo Lagmay