NAGDADALAMHATI ang producer ng dalawang Pinoy movies na nagbukas sa mga sinehan noong Hunyo 26, Miyerkules, dahil sa mahinang first day gross ng kanilang pelikula. Kahit pa tadtad sa promo, patuloy pa rin ang katamaran ng mga Pinoy sa panonood ng sariling pelikula. Matatandaang umulan ng “flopsina” o pagkalugi ang mga Pinoy producer na gumawa ng pelikula sa mga nakaraang buwan (o taon?) subali’t marami pa rin ang sumusugal sa pagpoprodyus.
Hindi maganda ang resulta ng magkasabay na pelikulang nagbukas sa mga sinehan nitong Miyerkules, ang dalawang Pinoy films na KontrAdiksyon at Because I Love You, na higit pa raw sa malamya ang naging resulta nitong first day ng showing sa maraming sinehan.
Katuwiran ng isang netizen na si Lucky Laotingco ng Makati City, “Bigyan ninyo kami ng matinong pelikulang Pinoy, kahit bumabagyo, panonoorin namin ‘yun. Eh, mga basura ang istorya, itataya mo ba ang P220 mo sa panonood ng wa’ wentang panoorin?” aniya sa amin.
Ang KontrAdiksyon nina Jake Cuenca at Kris Bernal ay naka-P300K+ lamang na first-day gross, samantalang ang Because I Love You nina David Licauco at Shaira Diaz ay naka-P100K+ lamang, gayong sa 120 sinehan ito nag-open, ayon sa producer na si Arnold L. Vegafria.
Ayon sa theater operators, maraming zero gross ang box-office take ng Because I Love You, kaya ‘di kataka-takang nag-first day last day ito sa maraming sinehan.
Umasa marahil ang producer ng KontrAdiksyon at BILY film na si Arnold sa kanyang instinct na baka bulagain ng David-Shaira tandem ang takilya ng Kita-Kita nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez, na out of curiosity ay tumabo sa takilya. Pero ang sumunod na Alessandra-Empoy Marquez film ay dumanas naman ng kamalasan, pagpapatunay na walang solid fans ang Alessandra-Empoy tandem at suwerte ang naging kapalaran ng nauna nilang film.
Yun nga, ayon pa sa mga theater chains, mas bumaba pa lalo ang kita ng dalawang films sa second day (Hunyo 27, Huwebes) ng mga ito, kaya marami nang theaters ang nag-pull out sa papapalabas ng sinasabing “wa’ wentang movies”.
Sa kabila ng sinasabing matumal na pagdagsa ng moviegoers, ang kasabay nilang Annabelle Comes Home ay naka-P7M nang magbukas nitong Miyerkules.
-ADOR V. SALUTA