PAYAG si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na mangisda ang Chinese fishermen sa Recto (Reed) Bank dahil kaibigan daw naman ng Pilipinas ang bansa ni Pres. Xi Jinping. Kung ganoon, eh bakit hinaharang at itinataboy ng Chinese Coast Guard (CCG) ang mga mangingisdang Pinoy sa Panatag (Scarborough) Shoal na malapit lang sa Masinloc, Zambales na libu-libong taon nang pinangingisdaan ng mga ninuno ng ating mga kababayan?
Sabi nga ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo, baka siya lang ang kumakaibigan sa China, pero ang China hindi naman siya itinuturing na kaibigan kundi isang utusan. Kaibigan, hindi naman siguro ganoon si Pres. Xi sa ating Pangulo.
Hinamon ni Mano Digong ang mga kritiko at kalaban na ipa-impeach siya dahil labag umano sa Constitution ang pagpayag niyang makapangisda ang China sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. Tanging ang ‘Pinas lang daw ang may karapatan sa EEZ at hindi puwede ang mga dayuhan.
Nagbanta si PDu30 na kapag naghain ng impeachment complaint ang mga kritiko at kalaban niya, ipabibilanggo niya ang mga ito. Ayon kay ex-Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario, ang pagkabigong protektahan ang teritoryo ng PH ay batayan para sa impeachment.
Ang pahayag daw ng ating Pangulo na payagang makapangisda ang China sa EEZ dahil sa pagkakaibigan ay lalo lang magpapatapang sa Chinese fishermen at magpapalala sa sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS).
Katwiran ni PRRD, bukod sa kaibigan, hindi naman kaya ng bansa natin na pigilan at itaboy ang mga mangingisdang Tsino sa Recto Bank. Bakit lagi niyang sinasabi na takot sa giyera ang ‘Pinas dahil mauubos lang ang mga sundalo at pulis kapag nagkaroon ng komprontasyon sa WPS? Wala namang Pinoy ang gustong makipaggiyera sa dambuhala. Bakit ang Vietnam, Indonesia, Malaysia ay umaalma sa ginawa ng China sa kanilang teritoryo pero hindi naman sila ginigiyera ng China?
Tinawag ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na “boba” si Vice Pres. Leni Robredo. Tinawag naman ni PRRD si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na “stupid” at buang (sira-ulo). Magkapareho ang tabas ng dila ng dalawa.
Bilang reaksiyon, sinabi ni Carpio na ang personal attacks ay hindi dapat na patulan.
Sa ngayon, dalawa na ang tinawag ni PRRD na “stupid”, ang Diyos at si Carpio. Sino naman kaya ang tatawaging “bobo” o panibagong “boba” ni Locsin?
-Bert de Guzman