Mga Laro sa Linggo
(Paco Arena)
1:00 n.h. -- Air Force vs Animo
3:00 n.h. -- Army vs PLDT
5:00 n.h. -- Cignal vs Sta. Elena
TINIYAK ng Cignal na makakamit nila ang target na semifinals spot sa 2019 Spikers’ Turf Reinforced Conference habang nagbaon naman ang Rebisco-Philippines ng momentum para sa pagkampanya nila sa 2019 Thailand Open Sealect Tuna Championships.
(RIO DELUVIO)
Ipinagpatuloy ang kanillang ratsada ng HD Spikers makaraang gapiin ang Philippine Navy Sea Lions sa loob ng straight sets, 25-18, 25-20, 26-24, nitong Huwebes sa Paco Arena.
“Actually may pressure [entering the final four], kasi wala kaming talo tapos semifinals, doon talaga sa semifinals ‘yung tunay na laban, anybody’s game. Pagaaralan namin kung sino makakalaban namin, kailangan lang preparado kami,” pahayag ni Cignal head coach Dexter Clamor.
Sa kabila ng kanilang panalo, dismayado si Clamor kung paano tinapos ng kanyang mga players ang laro.
“Kita naman ‘yung mga players masyadong nag relax which is ayaw talaga naming mga coaches na mangyari, na maging attitude ng mga players ‘yung ganon,” paliwanag ni Clamor. “Well, sa huli, experience pa rin ‘yung pinairal kaya nanalo kami ng third set kahit nag deuce sa huli.”
Pinangunahan ni Marck Espejo ang nasabing tagumpay ng Cignal sa ipinoste nitong 14 puntos kasunod si Ysay Marasigan na may 11 puntos.
Namuno naman si Greg Dolor na umiskor ng 14 puntos para sa Navy na bumaba sa markang 4-6.
Sa huling laro, pinataob naman ng Rebisco-Philippines ang PLDT Home Fibr Power Hitters , 24-26, 25-20, 25-17, 25-18.
“Sana magtuloy tuloy lang ‘yung ginagalaw ng mga bata, sana kung ano ‘man ‘yung [mga] nagiging problema namin, masolusyunan namin pagdating sa mga darating pa naming practice at competitions,” wika ni Rebisco head coach Dante Alinsunurin.
Pinamunuan ni Bryan Bagunas ang Nationals sa ipinoste nitong 20 puntos kasunod si Fauzi Ismail at Espejo na naunang naglaro para sa Cignal na may 17 at 14 puntos ayon sa pagkakasunod.
Samantala sa isa pang laro, napanatili ng Animo Green Blazing Spikers ang pag-asa nilang umabot ng Final Four makaraang payukurin ang Volleyball Never Stops Volleyball Club (VNS VC) Griffins, 21-25, 25-22, 34-36, 25-23, 15-12.
Dahil sa tagumpay, tumaas ang Animo sa barahang 5-4, kappantay ng Sta. Elena ss 5th spot habang nalaglag naman ang VNS sa kartadang 2-7.
-Marivic Awitan