“HINDI natin isinusuko ang ating soberanya, o kinokompormiso ang karapatan ng ating 22 mangingisda. Ang hinihingi natin ay katarungan para sa ating mga kababayan, at sa layuning ito, ginagawa natin ang lahat ng pamamaraang legal,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Ang pagkakaroon aniya, ng neutral party, sa joint investigation ay ideya ng Pangulo. “Pero, kung ang resulta ng imbestigasyon ng magkabilang panig ay pareho, hindi na kailangan
ang neutral party. Mag-iisyu na lang sila ng pinagsamang pahayag hinggil sa isyu. Aksidente ba ang naganap? Mayroon bang babayaran?” dagdag pa ni Panelo.
Sino kaya ang mapapaniwala pa ng Pangulo na may ibubungang maganda ang gagawin sa nangyaring pangbubunggo ng trawler ng China sa bangkang pangisda ng 22 Pilipino? At sa pag-iwan ng Chinese trawler sa ating mangingisda pagkatapos na lumubog ang kanilang bangka.
Sa palagay kaya niya ay mababago pa iyong kanyang tinuran na maliit na bagay lang ang insidente, na normal lang na nangyayari sa karagatan, kahit may third neutral party sa gagawing imbestigasyon?
Fake news at hyperbole ang inilalako nina Panelo at Locsin na kapag may pangatlong bansa na walang kinikilingan sa imbestigasyon ay magiging patas ito. Hindi na kailangan ang pangatlong bansa na lalahok pa sa imbestigasyon, dahil ang mga bunga ng imbestigasyon ng China at Pilipinas ay magkapareho.
Inayunan na ng mga opisyal natin ang depensa ng China na hindi nito sinadya ang pagbunggo ng trawler nito sa ating bangkang pangisda, at kaya nilisan nito kaagad ang mga mangingisda nating lulutang-lutang sa karagatan ay dahil takot ito para sa sariling kaligtasan na baka kuyugin ng mga Pilipinong nasa 7 o 8 bangka na naroroon daw noon sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
Ang kapitan ng bangkang pangisda ng Pilipino, na galit at matapang at nagsabi na sinadya ng trawler ng China ang pagbunggo sa kanila, ay lumambot na pagkatapos na bigyan sila ng mga bangka, pagkain at pera ni Agriculture Secretary Manny Piñol. Hindi raw siya sigurado kung sadya ang pagkakabunggo sa kanila.
Sinabi naman ni Transportation Secretary Arthur Tujade sa mga mamamahayag sa Bangkok, Thailand na nakapagsumite na sa Malacañang ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) ng resulta ng kanilang magkasamang imbestigasyon nitong Huwebes.
Ang PCG ay nasa ilalim ni Defense Secretary Lorenzana na kumambiyo na sa nauna niyang pahayag na hit-and-run ang ginawa ng trawler ng China sa mga Pinoy. Ang MARINA naman ay nasa ilalim ni Tugade.
Tiyak na ang laman ng report ng PCG at MARINA ay kung saan nakaangkla ang barkong pangisda ng Pilipino, may mga bangkang Pilipino na malapit sa lugar ng insidente, at papangalanan pa ang mga ito para maging kapani-paniwala.
Kapag ganito ang ginagawa sa mga Pilipino ng kanilang gobyerno, ano ang moral authority na ipasara ang Kapa Community Ministry International, Inc. (KAPA), WellMed, at ang mga kauri nito sa salang estafa at scam? Eh, mistulang hari ng scam ang gobyerno.
-Ric Valmonte