KASABAY ng walang katapusang pagdakila kay Eddie Garcia bilang haligi at simbolo ng pelikulang Pilipino, hindi ko maaaring palampasin ang pagkakataong ito nang hindi sumasaludo sa naturang aktor na hinangaan at iginalang ng sambayanang Pilipino sa loob ng maraming dekada.
Isipin na lamang na naging bahagi ng kanyang mahigit na 600 pelikula ang pagganap sa buhay ng malalaking personalidad, kabilang na ang mga dakilang lider ng ating bansa— mga pelikula na naglalarawan ng kanilang mga karanasang tunay na dinakila ng lipunan. Maaaring ginampanan din ni Eddie ang buhay ng ilang personalidad na sa halip na dakilain ay halos isinumpa ng manonood.
Naniniwala ako na ang naturang mga eksena ang naging batayan ng iba’t ibang award-giving body sa pagkakaloob kay Eddie ng katakut-takot na karangalan. Sa halos lahat ng kategorya na ginampanan niyang mga pelikula, namukod-tangi ang kahusayan niya sa pagganap. Wala akong natatandaang kontrobersiyal na desisyon sa mga karangalang iginawad sa naturang aktor.
Ito rin ang natitiyak kong pinagbatayan naman ng isa ring award-giving body— Film Academy for Movie, Arts and Sciences (FAMAS)—sa paggawad kay Eddie ng Hall of Fame Award. Hindi marahil isang kalabisang bigyang-diin na bilang dating Director at aktibong miyembro ng naturang organisasyon, nagkaroon ako ng pagkakataong maging bahagi ng pagkakaloob ng naturang pinakamataas na parangal kay Eddie. Sa naturang deliberasyon ng mga kasapi, walang kagatul-gatol ang kanilang pasiya: Hall of Famer si Eddie Garcia bilang Best Actor, Best Director at Best Supporting Actor sa iba’t ibang pelikula. Sa tatlong kategorya—at maaaring sa iba pang eksena—natatangi ang kanyang performance sa aninong gumagalaw.
Sa kabila ng pagganap ni Eddie bilang marangal, mamamatay-tao, kontrobersiyal na pulitiko at kontrobersiyal na personalidad, hindi kailanman nabahiran ang kanyang tunay na pagkatao. Maginoo at kagalang-galang. Maraming pagkakataon na ito ay napatunayan ng aming mga kapwa movie writer na manaka-nakang nakakasalo ni Eddie sa kapihan sa Sampaguita Picture studio; kabilang sina Gemil Pineda, Efren Esteban, Jose V. Liza at marami pang iba na nauna nang sinundo, wika nga, ng Panginoon.
Sila ay natitiyak kong dumakila rin kay Eddie—ang aktor na hinangaan at dinakila sa lahat ng panahon.
-Celo Lagmay