Ramirez, iginiit na PHISGOC ang kausap ng PSC
IGINIIT ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez na tanging ang Philippine Sea Games Organizing Committee (PHISGOC) ang tanging grupo na suportado ng pamahalaan.
“Walang gulo on the PSC part, dahil ang kausap namin para sa preparation ng 30th Southeast Asian Games hosting ay ang PHISGOC, walang iba,” pahayag ni Ramirez, itinalagang Chef of Mission ng Team Philippines bago ang pagbibitiw ni Ricky Vargas bilang POC president.
Nabuo ang PHISGOC, ayon kay Ramirez noong 2017 matapos makuha ng Pilipinas ang karapatan na maging host ng biennial meet.
Bukod kay Ramirez, co-chairman ng PHISGOC si Vargas bilang kinatawan ng Olympic body at si Taguig Rep. Allan Peter Cayetano, sa panig ng Malacanang. Kalihim ng Department of Foreign Affairs si Cayetano nang mapasama sa grupo.
“So kung may PHISGOC Foundation, walang problema sa amin dahil hindi naman kami involved dyan at hindi kami nakikipag-usap sa kanila as for as SEA Games preparation is concern,” sambit ni Ramirez.
Naging malaking isyu sa POC ang Phisgoc Foundation sa pagbibitiw ni Vargas sa POC. Batay sa ulat, kasama si Vargas sa grupo ng isumite ito sa Securities and Exchange Commission (SEC). Kabilang sa incorporator nito sina Vargas, Ramon Suzara, Donaldo Caringal, Dexter Estacio, Monica Anne Mitra, POC secretary general Patrick Gregorio, POC communications director Ed Picson at dating POC chairman Tom Carrasco.
Nagsagawa aumano ng pakikipag-ugnayan ang Phisgoc Foundation sa mga pribadong sektor tulad ng pagpapagawa ng Games’ official logo, theme, mascot at iba pang marketing collateral.
Kinuyog si Vargas ng ilang hindi nasisiyahang miyembro ng POC Executive Board at napaulat ang planong ‘kudeta’ sa boxing chief.
Nalagay sa balag ng alanganin ang preparasyon sa SEA Games sa hindi inaasahang pagbibitiw ni Vargas, ngunit sinabi ni POC Chairman Abraham ‘Bambol’ Tolentino na mareresolba ang anumang gusot at kalituhan sa gaganaping POC General Assembly meeting bukas sa GSIG bldg, sa Pasay City.
-Edwin Rollon