Wala nang buhay ng madiskubre ng isang lalaki ang 66-anyos niyang misis, na pinatay ng nanloob sa kanilang bahay sa Valenzuela City, nitong Linggo.

Dakong 3:00 ng umaga ngayong Lunes nang madiskubre ni Domingo Caco, 70, ang maybahay niyang si Hilaria Caco, lending consultant, na wala nang buhay sa loob ng kuwarto ng kanilang anak sa Arty Subdivision, Barangay Karuhatan, Valenzuela.
Kuwento ng mister, nauna siyang pumanhik sa kanilang kuwarto para matulog nitong Linggo ng gabi, at iniwan ang asawa na nananahi sa sala.
Nagising lang daw si Domingo nang madaling araw at lumabas ng kuwarto dahil wala sa kanyang tabi ang biktima.
Pagbaba sa sala, wala roon ang biktima, kaya dumiretso si Domingo sa kuwarto ng kanilang anak, at doon niya nakita ang asawa na walang malay at duguang nakalugmok sa sahig.
Dito na napag-alaman ng mister na napasok sila ng magnanakaw, dahil nawawala ang kanilang flat TV, dalawang cell phone, modem cable, at wallet na hindi pa mabatid ang laman.
Sa pagsusuring isinagawa ni Major Sandra Go, ng Scene of the Crime Operations (SOCO) sa biktima, pinalo ito sa ulo ng matigas na bagay, kaya binawian ng buhay.
Lumitaw naman sa imbestigasyon ni Staff Sgt. Mark Bolanio, ang mag-asawang matanda lang ang nasa kanilang bahay.
Posible rin umano na kakilala ng biktima ang suspek, dahil walang forcible entry na bahay.
Hawak na ngayon ng mga pulis ang kopya ng CCTV footage sa labas ng bahay ng mag-asawa.
-Orly L. Barcala