Nasa 15 hanggang 20 pasahero mula sa Thailand ang kinailangan pang maghintay nang ilang minuto bago nakalabas sa exit door ng NAIA Terminal 3, dahil hindi mabuksan ang nasabing pintuan.

Ayon kay NAIA Terminal 3 Manager Dante Basanta, nasa 4:00 ng hapon nitong Biyernes nang lumapag ang Cebu Pacific flight 5J930 mula sa Bangkok, pero hindi mabuksan ang exit door sa Gate 108.
Aniya, naghintay nang halos 20 minuto ang mga pasahero bago nakalabas sa nasabing bakal na exit door, makaraang sapilitan itong buksan ng mga maintenance personnel ng NAIA.
Sinabi ni Basanta na na-stuck ang pintuan kaya kinailangan nilang puwersahan itong buksan upang makalabas ang mga pasahero patungo sa arrival area.
Kaagad namang ipinag-utos ni MIAA General Manager Ed Monreal ang pagkukumpuni sa nasabing pinto.
Tiniyak din ni Monreal na ang nangyari ay isa lamang isolated case.
Araw-araw na sinusubukan ang lahat ng arrival exit doors sa NAIA, ayon kay Monreal.
Bago nangyari ang insidenge, walong flights na ang gumamit sa Gate 108 at wala namang naging problema, ayon sa MIAA.
Iniimbestigahan na ng MIAA ang insidente.
Ariel Fernandez