Nadakip ng awtoridad ang isa sa dalawang bilanggo na tinakasan ang kani-kanilang police escort habang dumadalo sa paglilitis sa loob ng Quezon City Hall, nitong Huwebes.

Sa ulat na ipinarating kay Quezon City Police District (QCPD), BGen. Joselito Esquivel, Jr., QCPD director, inaresto si Ariel Consulta, 51, sa terminal ng tricycle sa Bignay Street sa Barangay Botocan nitong Biyernes, sa ganap na 7:45 ng umaga.
Patuloy namang tinutugis ang kakosa ni Consulta na si John Kerwin Clemente.
Napag-alaman na sina Consulta at Clemente ay kapwa nakakulong sa Quezon City Jail Annex sa Bicutan nang maaresto ng Quezon City police nitong Abril 12 at Marso 19, ayon sa pagkakasunod, dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang dalawang suspek at 21 iba pang bilanggo ay sinamahan ni Jail Officer 1 Mc Jones Molina sa Quezon City Regional Trial Court Branch 82 sa loob ng QC Hall of Justice para sa paglilitis, nitong Huwebes ng umaga.
Gayunman, napag-alaman na ang dalawang puga ay walang nakatakdang paglilitis noong araw na iyon.
Sa closed-circuit television (CCTV) footage, lumabas sina Consulta at Clemente sa court room nang hindi alam ng kanilang escort at mabilis na nilisan ang gusali.
Hinanap ng mga miyembro ng BJMP at QCPD ang dalawa, na ikinaaresto ni Consulta, habang patuloy ang pagtugis kay Clemente.
-Alexandria San Juan