PARA sa hangaring makapagtayo ng matatag na bansa sa pamamagitan ng matatag na pamilya, patuloy ang pagtatayo ng Iloilo ng mga counselling center para sa counselling session at parenting program.

Itinatag ng Provincial Population Office (PPO), sa pamumuno ni chief Ramon Yee, ang pitong Multi-Purpose Counseling and Family Development Centers sa iba’t ibang bayan ng probinsiya.

Binigyang-diin ni Yee ang kahalagahan ng pre-marriage sessions sa mga magkasintahan na nais magpakasal.

“Pre-marriage sessions give couples the information and the instructions on responsible parenthood and family planning. Couples who undergone the sessions will build a strong family, strong community, and eventually a strong nation,” pagbabahagi ni Yee sa isang panayam kamakailan.

Makikita sa loob ng mga centers ang mga television set at education-information materials na kailangan sa counselling.

“These centers provide conducive counseling because giving information to the couple needs privacy. There are matters that shall be kept confidential,” aniya.

Sa counseling, aniya, magkahiwalay na pinupunan ng magkasintahan ang “marriage expectation inventory,” pagakatapos ay ipagkukumpara.

“If their goals vary, they will be enlightened by the counselor,” ani Yee.

Kamakailan lamang, pinasinayaan ng probinsiyal na pamahalaan ng Iloilo ang Multi-Purpose Counseling and Family Development Center sa bayan ng Santa Barbara.

Ang center sa nasabing bayan ang unang pinasinayaan ngayon taon, ayon kay Yee.

Habang kabilang sa mga nauna nang binuksang center at pinapatakbo na mula noong 2017 ay nasa mga bayan ng Alimodian, San Miguel, Oton, Cabatuan, Duenas, at Concepcion.

“Our ultimate goal is to establish the same center in all the 43 local government units in the province,” aniya.

Para kay Yee, mahalaga na nakasuporta ang munisipalidad sa pagtatayo ng center.

Ang mga lokal na pamahalaan, aniya ang kailangang maglaan ng espasyo o lugar na pagtatayuan ng center.

Habang ang Liga ng mga Barangay, ang may tungkulin para sa pagpapaabot sa mga lokal na residente ang kahalagahan ng pre-marriage counselling.

“They will disseminate the program and encourage locals to have pre-marriage counselling or otherwise they will not be issued with marriage license,” aniya.

Samantala, ang mga natitirang bayan na wala pang center ay nagsasagawa ng mga pre-marriage counselling sa mga bakanteng epasyo sa mga city hall.

Gayunman, sinabi ni Yee na hindi lamang nakasalalay sa Multi-Purpose Counselling and Family Development Centers ang tagumpay ng pre-marriage counseling.

Aniya, ang mga pre-marriage counsellors na binubuo ng mga opisyal mula sa mga opisina para sa population, social welfare and development, at kalusugan ang dapat ding may sapat na kaalaman.

“A good multi-purpose counselling centers with capable, ready, and enhanced pre-marriage counsellors make effective counselling,” ani Yee.

PNA