Daet, Camarines Norte – Matikas ang hamon ng mga foreign riders, ngunit matatag na nakipagsabayan si Philippine National team rider Jan Paul Morales sa 194.9km Stage 2 ng 10th Le Tour de Filipinas nitong Sabado sa Pagbilao, Quezon.
Ratsada si Morales sa kabuuan ng karera at humirit sa ika-apat na puwesto sa finish line sa tyempong apat na oras, 52 minuto at 11 segundo, may 3:05 minuto ang layo sa stage winner na si Mario Vogt ng team Sapura Cycling.
“Kailangan talagang sumabay ka, dahil iwan ka sa kanila kung menor-menor ka,” pahayag ni Morales.
Sa kabila ng impresibong arangkada, nabigo pa rin ang 33-anyos na si Morales para makapasok sa top 10 riders sa General Classification sa five-stage UCI Category 2.2 event cycling marathon na inorganina ng Ube Media, Inc.
Pumuwesto sa No.11 si 7-Eleven Cliqq-Air21 rider Marcelo Felipe matapos dumating na ika-34 sa finish line. Annie Abad