Sinibak nitong Biyernes ang pulis-Caloocan na sangkot sa pamamaril at pagpatay sa 6-anyos na si Gian Habal.
Sa desisyon ng korte, hinatulang guilty si Corporal Rocky Delos Reyes sa grave misconduct nang mapag-alaman na “there is a substantial evidence to establish his administrative liability” sa pagkamatay ni Habal at pagkakasugat ni Elsa Montañez.
Bukod diyan, bigo ang pulis na magpakita ng ebidensiya na magpapatunay na hindi niya ginawa ang akusasyon.
Nitong Abril, nagpaputok ng baril si Delos Reyes habang hinahabol ang umano’y isang wanted. Tumama ang kanyang bala sa noo ni Habal, na agad na ikinamatay ng paslit.
Samantala, si Montañez ay tinamaan ng bala sa kaliwang paa nang barilin siya ni Delos Reyes nang tangkain niyang pigilan ang pulis na tumakas sa insidente.
Base sa panuntunan ng mga pulis, "the police shall not use warning shots during police intervention operations" at "the use of firearm is justified" kung nasa panganib lamang.
Nakasaad din sa desisyon, na nilagdaan nitong Hunyo 12 ni regional police director Maj. Gen. Guillermo Eleazar, na bigo si Delos Reyes na magpakita ng malinaw at kapani-paniwalang ebidensiya na ginawa niya nang maayos ang kanyang trabaho.
"His reliance on regularity in the performance of duty is untenable and cannot be given due consideration," saad sa dokumento.
"[Therefore] this office finds P/Cpl. Rocky Delos Reyes guilty of grave misconduct...and he is hereby meted the penalty of dismissal from the police service," dagdag pa sa desisyon.
NAKATAKDANG LITISIN
Samantala, nakatakdang litisin ni Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 128 Judge Eleanor Kwong si Delos Reyes sa Hunyo 17, matapos na makitaan ng probable cause.
Base sa ballistic results, tugma ang dalawang shell casing at deformed slug na narekober sa pinangyarihan sa .45 caliber Shooters Elite pistol na isinuko ni Delos Reyes.
Hindi tinanggap ni Kwong ang hiling ni Delos Reyes na manatili sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center, at sa halip ay inilipat sa Valenzuela City Jail.
Joseph Almer B. Pedrajas