Nakasamsam ang mga pulis at mga tauhan ng PDEA ng 2,750 piraso ng ecstasy at 200 gramo ng cocaine, na may kabuuang halaga na P5.73 milyon, mula sa isang safety box ng isang hotel sa Taguig City ngayong Sabado ng umaga.
Kinumpiska rin ng mga anti-narcotics operatives ang 14 na piraso ng transparent plastic cartridge ng hinihinalang droga sa nasabing raid.
Sinabi ni PDEA Spokesman Derrick Arnold Carreon na isinagawa ang operasyon ng hatinggabi, sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Rosanna Fe Romero-Maglaya, ng Quezon City Regional Trial Court Branch 88, laban kay Domingo Tanyao Uy, Jr., ng Balete Drive sa Quezon City.
Nirentahan ni Uy ang isang safety deposit box sa isang hotel sa 5th Avenue, Bonifacio Global City, Taguig City.
Isinagawa ang operasyon ng PDEA-NCR Southern District Office, sa pangunguna ni Agent Joel Villorente, sa pakikipag-ugnayan sa Taguig City Police.
Nahaharap si Uy sa paglabag sa Section 11 ng Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).
Nitong Mayo 21, inaresto si Uy ng mga tauhan ng pulisya at PDEA sa parehong hotel, kung saan aabot sa P8.5 milyon ang halaga ng mga ecstasy tablets at cocaine na nasamsam.
Inalerto ng security personnel ng hotel ang anti-narcotic authorities kaya nadakip si Uy.
Chito A. Chavez