Nakauwi na sa bansa ngayong Biyernes ng hapon ang 22 mangingisdang inabandona sa dagat makaraang lumubog ang kanilang bangka nang salpukin ng hinihinalang Chinese vessel sa Reed Bank sa West Philippine Sea kamakailan, at iginiit ng boat captain na sinadya ang pagkakabangga sa kanila.

Dumating ang BRP Ramon Alcaraz sa baybayin ng San Jose, Occidental Mindoro pasado 3:30 ng hapon, sakay ang 22 lulan sa F/B GEMVIR1, matapos silang sunduin mula sa bangka ng mga mangingisdang Vietnamese na sumagip sa kanila.
“Ang mga mangingisda na sakay ng PS16 BRP Ramon Alcaraz ng Philipine Navy ay nandoon na po sa vicinity ng San Jose, Occidental Mindoro at doon po nila gagawin 'yung hand over ng mga mangingisda natin na nasagip ng mga Vietnamese fisherfolks, at eventaully inilipat sa barko ng Philippine Navy,” sabi ni Brig. General Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Mula sa BRP Ramon Alcaraz, inilipat ang mga mangingisda sa BRP Tausug bandang 5:00 ng hapon, dahil masyadong malaki ang Alcaraz para makalapit sa Caminawit Port, ayon kay Arevalo.
Pagkatapos, itu-turnover na ng mga opisyal ng Philippine Navy ang mga mangingisda sa mga kinatawan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at sa pamilya ng mga ito.
Pagdating sa Caminawit Port bandang 5:25 ng hapon kanina, isinailalim sa medical check-up at debriefing ng Philippine Red Cross ang mga mangingisda, ayon kay Arevalo.
“Immediately, binigyan po sila ng (Philippine Navy) tinatawag nating physical exam, pagkuha ng vital signs, at kung may nangangailangan ng gamot. Nakita rin po natin sa pictures at videos na ipinadala nila na binigyan po ng makakain itong mangingisda natin at binigyan ng lugar pahingahan,” ani Arevalo.
Batay sa pahayag ni BFAR-Region 4B Director Elizer Salilig, ikinuwento ng kapitan ng bangka na si Junel Insigne na sinadya umanong banggain ng Chinese vessel ang bangka ng mga mangingisda.
"Ang kuwento ng kapitan ay natutulog sila sa Recto Bank na naka-anchor, mga alas dose ng hating-gabi. May mga ilaw naman sila, pero binundol ng Chinese fishing vessel ang bangka nila kaya nagulat lahat sila. Pagkabangga ay tumakbo at pinatay ang ilaw nila," sinabi ni Salilig nang kapanayamin sa DZBB.
Iginiit naman ni Vice Admiral Robert Empedrad, Flag Officer-in-Command ng Philippine Navy, na responsibilidad ng Chinese vessel ang insidente, dahil nakaangkla o nakahinto ang bangka ng mga mangingisda nang mangyari ang sinasabing “collision”.
“Hindi ko alam kung sinadya pero ang nangyari kasi, naka-anchor ang fishing vessel so hindi gumagalaw. With all the technologies, radar systems ng barko, alam mo na na 'di gumagalaw 'yung isang barko, so ibig sabihin kung may possibility na magbanggaan ikaw may kakayahang umiwas, ikaw dapat ang umiwas,” paliwanag ni Empedrad.
“Alam ng lahat ng ship captain ‘yung rules of engagement. Ngayon nabangga niya ang barko, hindi niya alam bakit nabangga. Puwedeng sabihing nagkaroon ng problema sa radar but with all the technology, alam mo kung mababangga mo 'yung barko,” dagdag niya.
Sinadya man o hindi ang insidente, sinabi ng Navy Chief na ang hindi katanggap-tanggap sa nangyari ay ang pag-abandona ng nakabanggang barko sa mga mangingisdang sakay sa bangka, na lumubog dahil sa insidente.
“Ang kino-condemn ko, 'yung iniwan ang lumulubog na barko. Kawawa naman ang 22 fishermen, so iniwan tapos gabi pa,” aniya.
Nagkataon pa naman, aniya, na nangyari ang insidente ng gabi ng Hunyo 9, Philippines-China Friendship Day.
Sinabi naman ni Arevalo na magsasagawa ang pamahalaan ng imbestigasyon sa nangyari, at pamumunuan ng Philippine Coast Guard ang probe team.
Minaliit naman ng Chinese government ang insidente, na tinawag nitong “ordinary maritime accident”, na binatikos naman ni Arevalo.
“Claim po nila 'yun na isang ordinary accident. Whether it was intended or ordinary accident, the point remains na 'yung bktimang Pilipino, hindi po hinintuan o binigyan ng kaukulang tulong,” ani Arevalo.
“Sa ilalim ng umiiral na international accepted principle ng human rights at international humanitarian law, sinasabi na ang isang vessel in distress ay dapat tinutulungan ng isang sasakyan o barkong pandagat na may kakayahan upang tumulong,” dagdag niya.
Una nang nagbabala ang Malacañang na ang insidente ay maaaring magbunsod ng pagkakasira ng ugnayan ng Pilipinas at China, kasunod ng hiling ng Palasyo sa pamahalaang Chinese na siyasatin ang insidente at papanagutin ang may sala.
Samantala, dinala ng ibang barko ang lumubog na GEM-VIR1 pabalik sa Occidental Mindoro, kung saan nakatira ang may-ari nito.
-Martin A. Sadongdong