TULAD ng inaasahan naging madali kina Ifugao boxing sensation Carl Jammes Martin at Jayson Mama ang pagdispatsa sa Thai rivals para manatiling walang dungis ang kanilang marka.
Pinatulog ng bantamweight star na si Martin si Thai Yutthichai Wannawong sa 1st round ng kanilang sagupaan nitong Linggo sa Sanman-ESPN5 boxing promotion sa TV5 Studio sa Novaliches, Quezon City.
“Nakita ko agad na kayang tapusin, kaya kahit malaki binigyan ko ng kombinasyon,” pahayag ng 24-anyos na si Martin.
Pinahalik din sa lona ni world rated flyweight prospect Jayson Mama si dating WBA minimumweight champion Ekkawit Songnui ng Thailand sa ikatlong round.
Sa kanyang pagbabalik sa ring, nagwagi rin si ex-light flyweight world champion Randy Petalcorin nang patulugin sa 3rd round si Worawatchai Boobjan.
“Boonjan came in game but Petalcorin’s superior skills battered the slower opponent,” ayon sa ulat ng Philboxing.com. “A flurry of punches caught the Thai in the third stanza and referee saw that he had enough punishment thus the stoppage.
Bunsod nag panalo, nahila ni Martin ang impresibong karta sa 13 panalo, tampok ang 12 TKO, habang napatili ring malinis ang marka ni Mama sa 13 panalo, tampok ang 7 KO.
Nahila naman ni Petalcorin, dating light flyweight world champion,a ng karta sa 30 panalo, tampok ang 23KO at tatlong talo.
Sa supporting bout, napantili rin ni Dave Apolinario ang malinis na karta (11-0) nang magwagi kay Adrian Lerasan sa 10 round unanimous decision. Nakuha niya ang iskor na 99-91 mula sa dalawang hurado at 98-92 sa isa pa.
Nagwagi rin si featherweight prodigy Roland Servania (9-0) via unanimous decision laban kay Pablito Cañada sa eight rounder.
Nakalusot naman si featherweight prospect Robin Dingcong via split decision kay Ernel Fontanilla; nagwagi si Kristian Hernandez via TKO kay Jerwin Mejes sa 1st round; at pinabagsak ni Mark Henry Escriber si Lory Abelada sa 1st round.
Ang boxing promotion ay hatid ni Jim Claude Manangquil ng Sanman Promotions.
-Gilbert Espena