Labing-tatlong katao ang kumpirmadong nasawi habang 32 ang nasugatan makaraang mawalan ng preno ang isang Foton truck habang nagmamaniobra sa pababang kalsada sa Barangay Tagpocol sa San Fernando, Camarines Sur, nitong Sabado ng hapon.

ACCIDENT

Sinabi ni Patrolman Nestor Adriatico, assistant Police Community Relation (PCR) officer, sa BALITA, na batay sa huling datos bandang 7:00 ng umaga ngayong Linggo, pito na ang namatay sa aksidente—lima ang dead on the spot, habang dalawa ang binawian ng buhay habang gunagamot sa Bicol Medical Center sa Naga City.

“Sa ngayon po, sa record namin, pito ‘yung patay. Pero may nakarating na sa amin na 13 na daw yung namatay. ‘Yan po ay for verification pa. Pati ‘yung injured ay 37 sa record namin, pero hindi pa rin ‘yan actual, kasi more than 50 yata ‘yung sakay ng truck,” sabi ni Adriatico.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Batay sa paunang imbestigasyon, minamaneho ni Mario Jacobo y De Luna ang Foton truck, na nakarehistro sa pamahalaang bayan ng San Fernando, sa pababang bahagi ng kalsada nang mawalan ito ng preno at sumalpok sa gilid ng kalsada saka bumaligtad.

“Galing sa coastal barangay ng San Fernando ‘yung truck kasi namanhikan. Pauwi na sila nung mangyari ang aksidente,” kuwento ni Adriatico.

Sa follow-up report, kinumpirma ni Patrolman Arnulf Llabres, PCR chief ng San Fernando Municipal Police, bandang 11:00 ng umaga ngayong Linggo na 13 na ang nasawi.

"Sa ngayon, anim na lang 'yung nasa BMC, 45 lahat 'yung pasahero. Lima 'yung dead on the spot at 'yung iba sa ospital na namatay. Hindi na po muna kami makakabigay ng pangalan kasi nakiusap 'yung pamilya ng mga biktima na huwag na muna ilabas 'yung mga pangalan," sinabi ni Llabres sa BALITA.

Aniya, kabilang sa mga nasawi ang babaeng ikakasal.

"Nakausap pa ng mga pulis 'yung babae na pinamanhikan, pero namatay din. Putol 'yung kanyang mga paa," ani Llabres.

Dagdag pa ni Llabres, dalawa sa mga nasawi ay bata at karamihan naman ay babae.

Ayon kay Adriatico, sinabi ng driver na si Jacobo na bago ang aksidente ay napansin na nitong hindi kumakagat ang preno ng sasakyan.

“Buhay ‘yung driver. Hindi naman siya lasing nung mangyari ang aksidente. Sabi niya, pupunta pa lang daw sila dun sa coastal barangay, napansin na niya na mahina ‘yung preno,” sabi ni Adriatico.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa aksidente, habang dinala naman ang mga nasawi sa St. Peter Chapel sa San Fernando, Camarines Sur.

Niño N. Luces