Bibili ang Philippine government ng mga armas at iba pang military hardware sa United States kapag kinakailangan na ng bansa ang mga ito.
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa ang Estados Unidos sa ikinokonsidera nilang mag-su-supply ng mga armas sa bansa matapos nitong ihayag na inirerespeto nito si US President Donald Trump at ang bansang kaalyado nito.
"Well, America has been helpful. In the purchase of arms, we have a bad experience but they have a new policy now. We’re going to reconsider," sabi ng pangulo nang dumalo ito sa "Give Us This Day” television program ng kanyang kaibigang si evangelist Apollo Quiboloy, nitong Sabado.
“We'll buy if we think we need that kind of particular (equipment),” paliwanag ni Duterte.
Matatandaang inihayag ng pangulo noong nakaraang Enero na hindi na bibili ang bansa ng mga armas sa US kasunod na rin ng banta ng huli na bibigyan nila ng karampatang parusa ang mga bansang bumibili ng mga armas sa Russia at China.
Aniya, nauna nang balak ng pamahalaan na bumili ng armas sa Israel at South Korea.
Sa isang panayam nitong Sabado, sinabi rin nito na nais lamang ng bansa na makabili ng “mas mura ngunit mas epektibong armas” kasunod na rin ng bigong rifle deal sa US.
Inilahad din nito na minsan nang nag-alok ng tulong ang Russia at China nang pumutok ang terror siege incident sa Marawi City noong 2017.
Kaugnay nito, plano naman ng Department of National Defense (DND) na bumili ng unmanned surveillance drones at iba pang armas kasunod na rin ng nasabing pahayag ng pangulo.
Ayon kay DND spokesman Arsenio Andolong, sinasamantala lamang nila ang pagkakataon nang ihayag ni Trump na nagbebenta sila ng 34 Boeing-made ScanEagle drones sa mga bansang kaalyado nito sa South China Sea region dahil na rin sa pagpupumilit ng China na sakupin ang East at South China Seas.
“I think the President of the US stated that he's now open to offering their unmanned aerial reconnaissance vehicles to the countries in Southeast Asia and I think he mentioned us (Philippines) as one of them,” sabi pa ni Andolong.
-Genalyn Kabiling at Aaron Recuenco